Home NATIONWIDE DSWD: Suporta ng magulang, dapat magsimula sa tahanan

DSWD: Suporta ng magulang, dapat magsimula sa tahanan

1
0

MANILA, Philippines – Hinikayat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga magulang na magbigay ng mas matibay na suporta sa kanilang mga anak, simula mismo sa kanilang mga tahanan.

“Bilang mga magulang, pangunahing prayoridad natin na ipadama sa kanila na sila ay ligtas, napakikinggan, at minamahal. Ang ating mga tahanan ang dapat na unang lugar kung saan nararamdaman nilang protektado silang maging totoo sa kanilang sarili, kung saan malaya nilang naibabahagi ang kanilang mga takot at alalahanin, at kung saan alam nilang may makikinig nang hindi sila hinuhusgahan,” ayon sa pahayag ni Asst. Secretary Irene Dumlao, ang tagapagsalita ng DSWD, noong Lunes (Agosto 24).

Ang pahayag na ito ay bilang suporta sa panawagan ng Council for the Welfare of Children (CWC)—isang ahensiyang kaakibat ng DSWD—na tiyaking nagsisimula sa tahanan ang proteksyon ng mga bata.

Kaugnay nito ipinaliwanag ng tagapagsalita ng DSWD na dapat maging mas aktibo ang presensya ng mga magulang sa pamamagitan ng pakikinig sa kanilang mga anak, pag-unawa sa halip na paghuhusga, at paggabay sa disiplina.

“Hindi natin laging mapoprotektahan ang ating mga anak mula sa stress, pagkabalisa, o mga pagsubok na kanilang kinakaharap habang sila ay lumalaki. Ngunit maaari nating tiyakin na hindi nila haharapin nang mag-isa ang mga hamong ito sa pamamagitan ng paglikha ng tahanan kung saan nararamdaman ng mga bata na ligtas silang pag-usapan ang kanilang mga pinagdadaanan,” wika ni Dumlao.

Upang isulong ang positibong ugnayan ng magulang at anak, pinapalakas ng DSWD ang pagpapatupad ng Parent Effectiveness Services (PES) Program.

Nabatid sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 11908 na naisabatas noong 2022, ang PES Program ay nagbibigay-daan sa mga magulang at mga nagsisilbing magulang (parent-substitutes) na magkaroon ng mas malalim na pag-unawa sa kanilang sarili at sa kanilang mga tungkulin bilang mga ina, ama, at tagapag-alaga.

“Sa pamamagitan ng pagpapatupad ng PES, mapapabuti ng DSWD ang mga pagpapahalaga at gawi ng mga magulang, habang sinusuportahan sila sa pagtupad ng kanilang mga responsibilidad sa kanilang mga anak, pamilya, at komunidad,” pagbibigay-diin ng tagapagsalita ng DSWD.

Ayon pa  sa DSWD ginagamit din ng Kagawaran ang family development sessions (FDS) upang bigyang-kakayahan ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na matuto at magkaroon ng kasanayan sa pagbuo ng mas matibay na ugnayan sa pamilya—isang mahalagang salik sa paglikha ng ligtas at mapagkalingang tahanan para sa mga bata.

“Kapag ang mga bata ay lumaki sa tahanang nararamdaman nilang ligtas at suportado sila, mas handa silang humarap sa mga hamon, magkaroon ng katatagan ng loob (resilience), at bumuo ng maayos na ugnayan sa kanilang mga kapwa-bata at iba pang tao,” Asst. Ipinunto ni Secretary Dumlao. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here