MANILA, Philippines — Hindi inaasahang magkukulang ang suplay o tataas ang presyo ng bigas sa kabila ng mahigit P1 bilyong pinsala sa palay dulot ng magkakasunod na sama ng panahon, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Batay sa datos ng DA-Disaster Risk Reduction and Management Operations Center na iniulat ng Philippine News Agency (PNA), umabot sa P1.07 bilyon ang pinsala sa rice sector, katumbas ng humigit-kumulang 29,482 metric tons na production loss.
Ang mga pinsala ay dulot ng pinagsamang epekto ng habagat at mga bagyong Luis, Maymay at Neneng.
Sa panayam ng PNA, sinabi ni DA spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa na maliit ang naturang volume loss kumpara sa taunang produksyon ng palay sa bansa at marami sa mga naapektuhang taniman ay partially damaged lamang at maaari pang makarekober.
“So, wala itong epekto—’yung losses na ito sa presyuhan natin sa palengke. In fact, bumababa pa,” ani De Mesa.
Nakatakda namang magsimula sa kalagitnaan ng Setyembre ang wet season harvest at magpapatuloy hanggang Nobyembre.
Samantala, umabot na sa P1.91 bilyon ang kabuuang pinsala sa sektor ng agrikultura matapos ang patuloy na field validation ng DA.
Naghanda ang gobyerno ng mahigit P273.66 milyong agricultural assistance, kabilang ang farm inputs, insurance payouts at zero-interest loans para sa mga apektadong magsasaka at mangingisda.
Kasabay nito, hinimok ng DA ang publiko na bawasan ang pagsasayang ng kanin sa ilalim ng “Be RICEponsible” campaign. Tinatayang umaabot sa 10.85 milyong sako ng bigas na nagkakahalaga ng P24.4 bilyon ang nasasayang kada taon. Ang naturang pagtataya ay kinumpirma rin sa opisyal na pahayag ng DA nitong Agosto 25. Santi Celario