Home NATIONWIDE San Roque Dam ‘di pa nagpapakawala ng tubig; banta ng baha sa...

San Roque Dam ‘di pa nagpapakawala ng tubig; banta ng baha sa Pangasinan pinawi

1
0

PANGASINAN — Pinawi ng mga opisyal ang pangamba sa posibleng pagbaha sa Pangasinan dahil sa tubig mula sa mga dam sa Cordillera, habang nananatiling sarado ang spillway gates ng San Roque Dam sa San Manuel.

Ayon kay Pangasinan Irrigation Management Office (PIMO) division manager Engr. John Molano, ang tubig na nagmumula sa Ambuklao at Binga dams sa Benguet ay dumadaloy muna patungo sa reservoir ng San Roque Dam bago makarating sa Agno River.

“Residents of towns along the Agno River have nothing to worry about because San Roque Dam has not opened its gates,” sinabi ni Molano sa Pangasinan provincial board.

Sa pinakahuling monitoring ng PAGASA dakong 8 a.m. nitong Agosto 26, nasa 275.45 meters above sea level (masl) ang reservoir water level ng San Roque Dam—mas mababa pa ng 4.55 metro sa normal high water level nitong 280 masl. Wala ring nakatalang spillway gate opening sa naturang monitoring.

Mas mataas ito nang 0.33 metro mula sa 275.12 masl na naitala alas-8 ng umaga noong Agosto 25.

Ang San Roque Dam ang tumatanggap ng tubig mula sa Ambuklao at Binga dams at nagsisilbing mahalagang bahagi ng flood-control system sa Agno River basin. Itinakda sa 280 masl ang normal high water level nito.

Samantala, sinabi ng San Roque Power Corp. na minamaximize ang paggamit ng tubig para sa power generation upang makatulong sa pamamahala ng reservoir level habang inaasahan ang karagdagang pag-ulan.

Tiniyak din ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office na patuloy nitong minomonitor araw-araw ang kondisyon ng mga dam at magbibigay ng sapat na abiso sa mga komunidad sa kahabaan ng Agno River sakaling kailanganing magbukas ng spillway gates ng San Roque.

Bukod sa flood control, sapat din umano ang kasalukuyang imbakan ng tubig sa dam para sa irrigation requirements ng mga magsasaka sa lalawigan. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here