MANILA, Philippines – Pormal nang inisponsor ni Senator Bam Aquino sa plenaryo ng Senado ang Senate Bill No. 2426 o School Safety Act, na layong magpatupad ng mas komprehensibong sistema para maprotektahan ang mga estudyante, guro, at school personnel laban sa karahasan sa mga paaralan.

Nakatuon ang panukala sa tatlong pangunahing hakbang:
–National Comprehensive School Safety Framework na nakasentro sa prevention, response, at recovery;
–Mas ligtas na imprastraktura at mas maayos na security measures sa mga paaralan; at
–Whole-of-community approach, kung saan may malinaw na papel ang mga paaralan, pamilya, barangay, LGUs, law enforcement, health professionals, faith-based groups, civil society, at iba pang sektor.

Sa ilalim ng framework, bawat paaralan ay gagawa rin ng localized School Safety Plan batay sa pangangailangan ng kanilang komunidad.
Kasama rin sa panukala ang training at capacity building, legal assistance, at institutional support para sa mga guro at school personnel. Kung nais nating maprotektahan ng mga guro ang ating mga anak, kailangan din silang protektahan.
Ayon kay Aquino, sunod-sunod ang mga ulat ng karahasan sa mga paaralan sa loob lamang ng dalawang buwan kaya hindi na dapat hintayin ang panibagong insidente bago kumilos.

“Seryoso ang banta, and we are racing against time,” aniya.
Nagpasalamat din siya sa mga senador na sumusuporta sa panukala upang agarang maipasa ang School Safety Act at gawing mas ligtas ang mga paaralan para sa bawat estudyanteng Pilipino. RNT/MDS (larawan kuha ni Cesar Morales)







