Home NATIONWIDE P3.34B bawas-pondo sa SUCs binatikos ng ACT Philippines

P3.34B bawas-pondo sa SUCs binatikos ng ACT Philippines

1
0

MANILA, Philippines – Mariing tinututulan ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines ang panukalang P3.34-bilyong budget cut sa State Universities and Colleges (SUCs) sa ilalim ng 2027 National Expenditure Program (NEP).

Sa 116 SUCs sa buong bansa, 49 ang direktang mababawasan ng pondo, habang pitong iba pa ang makatatanggap ng wala pang 1% na dagdag.

Pinakamalaki ang bawas sa University of the Philippines (UP) System na halos P2.95 bilyon, na ayon sa ACT ay makaaapekto rin sa pondo ng Philippine General Hospital (PGH). Kasama rin sa malalaking kaltas ang Philippine Normal University (PNU) na mababawasan ng P394.9 milyon o 25.26%, at Polytechnic University of the Philippines (PUP) na mababawasan ng P291.8 milyon.

Malalaki rin ang bawas sa ilang regional universities, kabilang ang Mariano Marcos State University (P506.3 milyon), Isabela State University (P229.3 milyon), Biliran Province State University (P210.9 milyon), at Leyte Normal University (P160.4 milyon).

Ayon kay ACT spokesperson Bernardo, hindi dapat bawasan ang pondo ng pampublikong edukasyon habang may malaking inilaan para sa confidential at intelligence funds.

“Pinapatay ng gobyerno ang ating mga pampublikong pamantasan at kolehiyo habang ipinagmamayabang ang libre kunong edukasyon. Paano magiging libre at de-kalidad ang kolehiyo kung tinatapyasan nang bilyon-bilyon ang pondo ng UP, PUP, PNU, at mga pampublikong kolehiyo sa mga rehiyon?”

Iginiit din niya na dapat pondohan ang disenteng sahod at benepisyo ng mga guro at kawani, regularisasyon ng mga kontraktwal na empleyado, promosyon, at kakulangan sa mga guro at pasilidad.

Binatikos din ng grupo ang malaking pondo para sa Confidential and Intelligence Funds (CIF) na umaabot sa P10.8 bilyon, kabilang ang P4.56 bilyon para sa Office of the President. Samantala, tumaas ng P22 bilyon ang kabuuang badyet ng DILG, kung saan P16 bilyon ang mapupunta sa PNP.

Ayon sa ACT, hindi kakulangan sa pera ang problema kundi maling prayoridad.

Hiniling ng grupo sa mga mambabatas na ibasura ang lahat ng budget cuts, ibalik ang buong P3.34 bilyong kaltas sa 49 SUCs, alisin ang confidential funds, bawasan ang militaristic at discretionary programs, at ilipat ang pondo sa higher education at iba pang serbisyong panlipunan. DANNY QUERUBIN

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here