Home NATIONWIDE DILG, hinikayat LGUs na gumamit ng UP-developed sexual assault investigation kit

DILG, hinikayat LGUs na gumamit ng UP-developed sexual assault investigation kit

2
0

MANILA, Philippines — Hinikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga local government unit (LGU) na gumamit ng locally developed Sexual Assault Investigation Kit (SAI.Kit) upang mapahusay ang pangangalap at pagpreserba ng ebidensya sa mga kaso ng sexual assault laban sa mga bata.

Sa ilalim ng DILG Memorandum Circular No. 2026-035, hinihikayat ang LGUs na mamuhunan sa SAI.Kit at isama ito sa kanilang local plans, programs at budgets upang maging mas accessible ang forensic tool sa mga komunidad.

Binuo ang SAI.Kit ng DNA Analysis Laboratory ng Natural Sciences Research Institute sa University of the Philippines Diliman katuwang ang Manila HealthTek Inc. at Child Protection Network, sa suporta ng Department of Science and Technology.

Layunin nitong gawing mas maayos at standardized ang collection, handling, documentation at preservation ng DNA samples at iba pang biological evidence na maaaring magamit sa imbestigasyon at paglilitis ng sexual assault cases.

Ayon sa DILG, mahalaga ang tamang paghawak ng forensic evidence hindi lamang para sa imbestigasyon kundi upang mapangalagaan din ang karapatan, dignidad, privacy at kapakanan ng mga biktima.

Inaasahang susuportahan din ng paggamit ng kit ang operasyon ng mga Barangay Violence Against Women (VAW) Desk, na nagsisilbing isa sa mga unang takbuhan ng mga biktima ng karahasan.

Hinikayat din ang LGUs na palakasin ang referral system sa pagitan ng VAW Desks, local health offices, ospital, law enforcement agencies, Local Councils for the Protection of Children at Local Committees on Anti-Trafficking and Violence Against Women and Their Children.

Inilunsad ang SAI.Kit noong Mayo 19 matapos ang ilang taong research at development. Nilagdaan din ng UP Diliman at Manila HealthTek ang licensing agreement para sa manufacturing at distribution ng kit upang mapalawak ang paggamit nito sa mga ospital, klinika, forensic examiners, law enforcement agencies at crime laboratories.

Nilinaw ng DILG na hinihikayat nito ang adoption ng SAI.Kit sa lokal na antas bilang bahagi ng pagpapalakas sa pagtugon sa child sexual abuse cases at pagtiyak na hindi mawawala o makokompromiso ang mahahalagang forensic evidence. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here