QUEZON, Philippines – Isang Senior Citizen na may stroke ang naiulat na nasawi habang tatlo ang sugatan matapos aksidenteng bumangga ang sinasakyang tricycle sa Wing Van Truck kaninang umaga sa kahabaan ng Maharlika Highway Barangay Villa Bota, Gumaca, Quezon.
Kinilala ang biktimang nasawi na kaagad na binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas na si Maribela Alvarez y Dastas 65, senior citizen, tubong Flaridel, Quezon at naninirahan sa Barangay Inaclagan Gumaca, Quezon.
Samantalang tatlo ang naiulat na sugatan na nakilalang sina Ronalyn Caballes, 38, vendor, tubong Burdeos, Quezon, Jennylyn Jimenez, 41, housekeeper, tubong Pitogo, Quezon, at Jayron Caballes, 18, construction worker, pawang nakatira sa Barangay Inaclagan Gumaca, Quezon.
Base sa inisyal na imbestigasyon dakong alas – 10:12 kaninang umaga habang ang mga biktima na kapwa lulan ng isang tricycle na minamaneho ni Ken Caperiña kung saan dadalhin ang biktimang nasawi sa hospital matapos itong ma – stroke, nang biglang aksidenteng mawalan umano ng kontrol ang gulong ang sinasakyan tricycle ng mga biktima.
Napag-alaman na aksidenteng bumangga umano ang nasabing sasakyan ng mga biktima ( opposite direction ) sa isang Hino Wing Van Truck na may plakang NGT- 1968 na minamaneho ni Reynaldo Diez Malupa na may mga kargang DSWD relief goods na patungong Bicol.
Kaugnay nito, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Gumaca Municipal Police Station at inaalam pa ang halaga ng pinsala sa naganap na aksidente. /Ellen Apostol