MANILA, Philippines — Ipinagtanggol ni Executive Secretary Ralph Recto ang pagdalo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa birthday dinner ni First Lady Liza Araneta-Marcos kasunod ng mga batikos sa viral video ng Pangulo habang ilang bahagi ng Luzon ay nakararanas ng pagbaha.
Sa isang ambush interview nitong Martes, Setyembre 1, sinabi ni Recto na maliit na pagtitipon lamang ang idinaos at wala umanong pag-ulan nang mangyari ang selebrasyon.
“Pagkaalam ko birthday ng First Lady ‘yun. Nag-dinner lang sila. At noong mga panahong ‘yun, hindi naman umuulan,” ani Recto.
Nauna nang kumalat sa social media ang video ni Marcos na kumakanta para sa First Lady sa isang post-birthday celebration, na umani ng puna dahil kasabay ito ng panahong nakararanas ng matinding pagbaha ang ilang bahagi ng Luzon dulot ng Habagat. Iniulat na ginanap ang naturang pagtitipon noong Agosto 26.
Iginiit din ni Recto na wala siyang nakikitang pagiging insensitive sa naturang pagtitipon.
“They had a small party at hindi naman umuulan noong weekend na ‘yun,” aniya.
Nauna ring sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na hindi naganap ang pag-awit ng Pangulo sa kasagsagan ng malakas na ulan at pagbaha.
Ayon kay Castro, natapos na umano ni Marcos ang kanyang mga tungkulin nang gabing iyon at patuloy namang mino-monitor ng Pangulo ang sitwasyon at operasyon ng pamahalaan kaugnay ng kalamidad.
Nagdiwang ang First Lady ng kanyang ika-67 kaarawan noong Agosto 21. RNT