BANGKOK, Thailand — Paiikliin ng Thailand sa 30 araw ang visa-free stay para sa mga turistang Pilipino simula Setyembre 15, 2026, bilang bahagi ng pagbabago sa visa exemption policy ng bansa.
Sa kasalukuyang sistema, kabilang ang Pilipinas sa 93 bansa at teritoryong pinapayagang manatili sa Thailand nang hanggang 60 araw nang walang visa. Sa ilalim ng bagong patakaran, mawawala ang 60-day visa exemption scheme at papalitan ito ng panibagong visa arrangements.
Kinumpirma ng Department of Consular Affairs ng Thai Ministry of Foreign Affairs na magkakabisa ang bagong visa exemption at Visa on Arrival schemes sa Setyembre 15. Kabilang ang Pilipinas sa mga bansang magiging kuwalipikado sa 30-day visa-free entry para sa turismo.
Ayon sa Thai government, kabilang sa mga dahilan ng pagbabago ang national security, tourism at economic considerations, reciprocity at pagpigil sa pang-aabuso sa visa exemption system.
Nauna ring sinabi ng mga opisyal ng Thailand na nais nitong higpitan ang sistema kasunod ng mga kaso ng ilang dayuhang sangkot umano sa ilegal na negosyo at iba pang krimen.
Ang mga dayuhang makakapasok sa Thailand bago Setyembre 15 gamit ang kasalukuyang visa exemption ay maaari pa ring manatili hanggang sa expiration ng panahong ibinigay sa kanila sa pagpasok sa bansa.
Bukod sa Pilipinas, kabilang din sa 30-day visa-free scheme ang Japan, Singapore, Malaysia, Indonesia, India, United States, United Kingdom at ilang bansa sa Europe. Samantala, magkakaroon ng hanggang 90-araw na visa-free stay ang mga biyahero mula Brazil, Peru at South Korea. Dave Medina