Home HOME BANNER STORY Harana ni PBBM kay FL Liza ‘sa gitna ng sakuna’, ‘di totoo...

Harana ni PBBM kay FL Liza ‘sa gitna ng sakuna’, ‘di totoo – Castro

3
0

MANILA, Philippines – TUWIRANG sinabi ng Malacañang sa publiko na hindi kailanman pinabayaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga mamamayang Filipino, lalo na ang mga biktima ng sakuna, partikular na nitong nakalipas na malakas na pag-ulan at pagbaha, sa gitna ng pagharana niya sa kanyang asawa na si Unang Ginang Liza Araneta-Marcos nitong ika-67 kaarawan ng huli.

“So kumalat at ang dumating na mensahe sa iba nating mga kababayan ay nangharana ang Pangulo kay First Lady nung gabing malakas ang ulan at nung gabing bumabaha nang todo-todo dito sa Central Luzon at sa Metro Manila. Hindi po iyan ang katotohanan,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

“Hindi po ito ‘yung kasagsagan noong malakas na ulan, hindi po ito kasagsagan ng pagbaha. Iyan po kasi ang nangyaring mensahe ng nagpakalat nito at alam natin na detractor, alam nating obstructionist,” dagdag na pahayag ni Castro.

Sa katunayan, aniya, ay kaunting oras lamang ang inilaan ng Pangulo sa nasabing okasyon matapos ang kanyang opisyal na trabaho.

Tiniyak din ni Castro sa publiko na patuloy na naka-monitor ang Pangulo sa lahat ng panahon habang kasama nito ang kanyang asawa at pamilya.

“Patuloy pa rin po naman ang kanyang pagmo-monitor kung ano ang maaaring maging lagay ng panahon. Pero at the time, wala pong masamang panahon. Yun po ang dapat nating linawin,” ang tinuran ni Castro.

Kinilala naman ni Castro ang pagkadismaya ng mga Filipino na nakapansin na ang naging aksyon ng Pangulo ay “insensitive,” sabay sabing naiintindihan niya ang sentimyento batay sa impormasyong nakarating sa kanila.

Binigyang-diin ni Castro na kaunting oras lamang ang inilaan ng Pangulo para makasama ang kanyang pamilya sa pagdiriwang ng kaarawan ng kanyang asawa.

“Kaunting oras lang po ang ibinigay ng Pangulo para sa kanyang pamilya, para sa kanyang asawa, para i-celebrate ang buhay. At hindi po nagpabaya ang Pangulo sa konting oras na ito na ibinigay para sa kanyang asawa,” ayon kay Castro.

“Sana makita rin po natin na sa buong linggo hanggang kahapon, kahit walang pasok at holiday, ang Pangulo po ay tutok. Hindi po nagpapabaya ang Pangulo para maibigay lahat ang pangangailangan ng ating mga kababayan, lalong-lalo na ‘yung mga naapektuhan,” ang tinuran ni Castro. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here