MANILA, Philippines – Gustong malaman ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang direksyon at reporma ng Department of Health (DOH) sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Dr. Edwin Mercado, partikular kung paano titiyakin ng ahensya na ang paggastos sa kalusugan ay tunay na magreresulta sa mas mabuting kalagayan ng kalusugan para sa mga Pilipino.
“What reforms will the DOH pursue to ensure that public health spending becomes genuinely transformative and advances the constitutional guarantees on the right to health and the general well-being of the Filipino people?” wika ni Cayetano sa isang liham na isinumite kay Senator JV Ejercito, chairperson ng Senate Committee on Finance nitong September 4, 2026.
Nagsimula nitong Biyernes ang pagtalakay ng Senado sa panukalang P264 bilyong budget ng DOH para sa taong 2027.
Ibinigay ni Cayetano ang kanyang mga tanong sa komite upang matiyak na ang mga inihaing sagot ng DOH ay magbibigay ng mas kumpletong basehan sa pagsusuri ng panukalang budget. Layunin din niyang matiyak na maayos na maitatala sa official record ang mga pangako at paliwanag ng ahensya.
“There is perhaps no government function more directly connected to the dignity, well-being, and everyday lives of our people than the delivery of accessible and quality healthcare,” sabi ng senator.
“The national health budget is more than an accounting of appropriations. It is a measure of whether the State is fulfilling its constitutional duty to protect and promote the right to health of every Filipino,” dagdag niya.
Pokus sa mga programa laban sa stunting
Matagal nang isinusulong ni Cayetano ang mga hakbang para matugunan ang stunting o pagkaantala sa paglaki at pag-unlad ng mga bata. Dahil dito, partikular niyang binigyang pansin ang mga programa ng gobyerno laban sa stunting, kabilang ang pagpapatupad ng Philippine Plan of Action for Nutrition (2023-2028) at iba pang kaugnay na programa.
Hiniling niya sa DOH na ipaliwanag kung bakit tumataas pa rin ang bilang ng mga batang may stunting sa kabila ng mga pangakong ginawa ng ahensya noong mga nakaraang pagdinig tungkol sa budget. Hiningi din niya ang mga detalye kung ano ang balak nitong gawin, pati ang mga target at resulta na nais nitong makamit sa pamamagitan ng mga programa nito.
Si Cayetano ang may-akda ng Anti-Stunting Action Plan Act (Senate Bill No. 416) na naglalayong bumuo ng isang high-level council para pag-ugnayin ang whole-of-government response. Bibigyang prayoridad nito ang paggamit ng datos sa pagsubaybay at paglalaan ng sapat na resources sa mga lugar na mataas ang kaso ng stunting.
Isinusulong din niya ang malinaw na sistema ng pananagutan at ang pagtatalaga ng isang Anti-Stunting Czar na mangangasiwa sa pagpapatupad ng programa.
“Irreversible ito… Ang problema mo sa stunting, walang rewind ito.. Kaya the best return on investment, peso for peso, is to prevent stunting,” wika ng senador.
Pagbili at paghahatid ng mga bakuna
Bilang follow-up sa mga tanong niya sa mga nakaraang budget hearing, hiniling ni Cayetano sa DOH na magbigay ng kumpletong listahan at status report tungkol sa pagbili at paghahatid ng mga bakuna mula 2022 hanggang sa kasalukuyan.
Sa plenary deliberation para sa 2026 national budget noong nakaraang taon, pinuna ni Cayetano ang DOH dahil sa pagkaantala ng paghahatid ng mga bakuna. “Can you guarantee us in 2026 that there will be no delays?” aniya. Iginiit niya na hindi katanggap-tanggap ang pagkaantala ng mga bakuna lalo na’t maraming umaasa sa mabilis na paghatid nito.
Sa liham niya kay Ejercito, sinabi ni Cayetano na makatutulong ang impormasyong hinihingi niya sa DOH para masuri ng mga senador ang status ng pagbili at paghahatid ng mga bakuna. Makikita rin dito kung nagagamit nang maayos ang pondo ng bayan upang maibigay ang mahahalagang serbisyong pangkalusugan.
Primary care at health facilities
Nakatuon ang iba pang tanong ni Cayetano sa kakulangan ng mga pasilidad para sa primary healthcare, lalo na sa mga lugar na malayo, mahirap puntahan, at kulang sa serbisyo.
Hiniling niya sa DOH na isumite sa Senado ang plano at timetable nito para matugunan ang mga kakulangang ito at mapabuti ang access sa mga pangunahing serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad na kulang sa serbisyo.
Humingi rin siya ng report tungkol sa paggamit at pamamahagi ng health infrastructure funds mula 2022 hanggang 2026, lalo na ang mga pondong inilaan sa pamamagitan ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP).
Bukod dito, humingi siya ng kumpletong ulat sa lahat ng foreign-assisted projects, loans, grants, at iba pang financing facilities na kasalukuyang ginagamit o ipinapatupad ng DOH.
Binigyang diin ng Minority Leader na ang kanyang mga tanong ay naglalayong palakasin ang proseso ng pagsusuri sa budget at makatulong sa pagbuo ng isang health budget na tumutugon sa tunay na pangangailangan ng mga Pilipino sa ilalim ng bagong pamunuan ng DOH.
“This representation therefore assures the majority of our full and good faith cooperation so that we may arrive, together, at the best possible budget for 2027 — a budget that is not only adequately funded but responsive to actual health needs, grounded on evidence, and capable of transforming health outcomes for all Filipinos,” wika ng senador. Ernie Reyes