MANILA, Philippines – Bumuo ang Philippine General Hospital (PGH) ng pangkat ng mga espesyalista para magsagawa ng medical examination kay dating House Speaker Martin Romualdez matapos itong ilipat mula Cardinal Santos Medical Center.
Ayon sa PGH, isasagawa ng mga doktor ang kinakailangang medical examination at diagnostic tests kay Romualdez bago magsumite ng komprehensibong ulat sa Sandiganbayan pagsapit ng Linggo ng hapon.
“Ito ang magiging batayan ng rekomendasyon ng PGH kung kinakailangan ang patuloy na pananatili ni Congressman Romualdez sa ospital,” ayon sa ospital.
Tiniyak ng PGH na magiging objective at propesyonal ang pagsusuri. Hindi rin ito maglalabas ng anumang medical information tungkol sa kondisyon ni Romualdez, maliban sa ulat na isusumite sa korte, upang maprotektahan ang kanyang confidentiality.
Noong Biyernes, iniutos ng Sandiganbayan Third Division ang paglipat kay Romualdez sa PGH para sa independent medical examination.
Nauna rito, hiniling ni Romualdez ang patuloy niyang pananatili sa ospital matapos siyang arestuhin noong Lunes sa Cardinal Santos kaugnay ng kasong plunder. RNT/MDS