MANILA, Philippines – Hinikayat ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto C. Teodoro Jr. ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Reserve Force na palakasin ang kanilang mga aktibidad sa silangang bahagi ng bansa, partikular sa mga coastal at island province na madaling maapektuhan ng security threats at kalamidad.
Sa kanyang talumpati sa pagtatapos ng 47th AFP National Reservist Week sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Teodoro na malaking puwang sa depensa ng bansa ang eastern seaboard.
“Our vulnerability is in the eastern seaboard. I would like the reserve commands to pursue activities on our Pacific Ocean boundary and all areas leading to the Pacific Ocean. That is a big gap,” ani Teodoro.
Binigyang-diin niya na mas malawak ang maritime domain ng Pilipinas sa Pacific side kumpara sa West Philippine Sea, kabilang ang Philippine Rise.
Bukod sa seguridad, nais ni Teodoro na magkaroon ng mas malaking papel ang reservists sa disaster response, lalo na sa mga lugar na madalas tamaan ng bagyo, malalakas na ulan, landslide, lindol at pagputok ng bulkan.
Inatasan din niya ang Office of Civil Defense na pag-aralan ang isang community-based at deployable system para sa mga disaster responder na maaaring magsagawa ng first aid, fire response at iba pang mahalagang gawain.
Giit ni Teodoro, dapat non-combatant at boluntaryo ang mga responder. Maaari ring manggaling sa ibang lugar ang mga tutugon sa sakuna dahil maaaring maging biktima rin ang mga lokal na responder.
“Because when a town is hit, or a province, the responders will also become victims. So those who will help must come from another place,” aniya.
Samantala, nagbabala rin ang kalihim sa mga umuusbong na banta tulad ng automated at AI-driven weapons, disinformation at cognitive warfare.
Ayon kay Teodoro, kailangan ng Pilipinas ang sapat na posture, infrastructure, force size at mga aktibidad kasama ang mga kaalyado upang mapalakas ang deterrence at maiwasan ang aktuwal na labanan.
Idinaos ang 47th AFP National Reservist Week mula Setyembre 3 hanggang 10 na may temang “Laang Kawal: Sandigan ng Bayan sa Kapayapaan, Kaayusan, at Katatagan.” RNT/MDS