MANILA, Philippines — Nagpahayag sina Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano at Sen. Pia Cayetano ng pangamba sa umano’y mga banta at intimidation laban sa ilang senator-judges na lumalahok sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa ika-24 araw ng paglilitis nitong Lunes, tinanong ni Pia si dating Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang kung nakaranas ba ang mga hukom ng mga banta kaugnay ng kanilang trabaho.
Nang sabihin ni Cabotaje-Tang na wala siyang naranasang ganoon kaugnay ng mga nakabinbing kaso sa Sandiganbayan, sinabi ni Pia: “I’m happy for you kasi kami ho meron.”
Nagbiro naman si Alan Peter kung maaari bang maglabas ng writ of amparo para sa mga senator-judge na umano’y nakararanas ng intimidation.
Sa ambush interview, iginiit ni Alan Peter na may mga banta umano laban sa opposition senators, ngunit wala siyang direktang pinangalanang tao o grupo na nasa likod ng mga ito.
“Let’s open our eyes. If we want to see the truth, all we have to do is open our eyes,” ani Cayetano.
Binanggit din niya ang mga pahayag hinggil sa posibleng pagsasampa ng kaso laban sa kanya at iba pang political developments bilang bahagi umano ng pressure sa opposition.
Wala pang inilalabas na independiyenteng ebidensiya na nagpapatunay sa sinasabing mga banta, at wala ring tiyak na taong itinuro ang magkapatid na Cayetano bilang responsable sa mga ito. RNT