MANILA, Philippines – Nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Sabado, September 19, na isantabi ang pulitika sa mga imbestigasyon sa korapsyon upang maibalik ang tiwala ng publiko sa gobyerno at matugunan ang mga pangunahing problema ng bansa.
Ayon kay Cayetano, dapat nakatuon sa pananagutan at paghahanap ng solusyon ang mga talakayan tungkol sa flood control projects, korapsyon at impeachment trial, sa halip na mauwi sa bangayan ng mga kampo.
“Kahit anon’g sabihin natin, magkakaroon ng politika. Pero pwede (pag-usapan ang mga ito ng) non-partisan. Ibig sabihin po, hanap solusyon. Hindi hanap debate, alaskahan, turuan, kundi hanap solusyon,” sabi niya sa kanyang Facebook Live nitong Sabado.
Binigyang diin ng senador na hindi dapat mawala sa usapan ang mga problemang araw-araw na kinakaharap ng mga Pilipino, gaya ng pagtaas ng presyo ng bilihin, mababang sahod, gutom at mga suliranin sa edukasyon.
Tinukoy rin niya ang karahasan sa mga paaralan at ang hirap ng maraming pamilyang pagkasyahin ang kanilang kinikita sa pang-araw-araw na pangangailangan.
Giit ni Cayetano, hindi sapat na matukoy lamang kung sino ang dapat managot sa korapsyon. Dapat ding tiyakin na hindi na mauulit ang pag-abuso sa pondo ng bayan.
“Hold people accountable but also make sure na hindi guma-grabe yung corruption,” aniya.
Dagdag pa niya, hindi dapat balewalain ang pangamba ng publiko sa korapsyon, kahit pa hindi lahat ng pananaw ay nangangahulugang iyon mismo ang aktwal na nangyayari.
“That could be just a perception, that could be a reality. But the point is, we cannot disregard the perception of our people,” wika niya.
Nilinaw rin ng senador na hindi laban sa administrasyon o oposisyon ang kanyang panawagan para sa non-partisan na pagtalakay sa mga issue.
“Sana po naunawaan ng lahat na ang aking hamon na non-partisan way of discussing flood control is not against the administration \(and\) not against the opposition. It’s a way to move forward and to find a solution for our country,” sabi niya.
Para kay Cayetano, dapat manaig ang paghahanap ng katarungan sa gitna ng mga imbestigasyon at hindi ang paghihiganti o pamumulitika.
“Hustisya po ang hinahanap natin. Hindi vengeance, hindi politika,” wika ng senador. Ernie Reyes