MANILA, Philippines — Bumisita si Vice President Sara Duterte nitong Lunes sa burol ng dalawang estudyanteng nasawi sa pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato at nanawagan ng mas mahigpit na seguridad sa mga paaralan.
Nagpaabot si Duterte ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga biktima at nagbigay ng tulong para sa kanilang pagpapalibing.
Iginiit ng Bise Presidente na mahalagang agad na ma-proseso at maimbestigahan ng school authorities ang anumang impormasyong maaaring may kinalaman sa banta sa seguridad.
“Ang pinakamabisa talaga diyan ay yung pag-gather ng information ng ating mga school authorities na kahit gaano kaliit na bagay na impormasyon yung natanggap nila, sa paniwala nila, totoo man o hindi, ay kailangan i-process at gawan ng imbestigasyon sa school level,” ani Duterte sa ulat.
Binigyang-diin din niya ang pangangailangang magkaroon ang mga estudyante ng mapagkakatiwalaang guro, counselor o iba pang school personnel na maaari nilang lapitan kapag may problema o pinagdaraanan.
Sinabi rin ni Duterte, dating kalihim ng Department of Education, na dapat paigtingin ang physical inspections at random checks sa mga paaralan bilang bahagi ng pagpapatibay ng campus security.
Naganap ang insidente sa Banga National High School noong Biyernes, kung saan tatlo ang nasawi kabilang ang hinihinalang 14-anyos na gunman, habang ilang iba pa ang nasugatan. RNT