Home HOME BANNER STORY Habambuhay na license ban sa drayber na sangkot sa 2 insidente ng...

Habambuhay na license ban sa drayber na sangkot sa 2 insidente ng road rage target ng LTO

3
0

MANILA, Philippines – Ikinokonsidera ng Land Transportation Office (LTO) ang pagpapatupad ng habambuhay na pagbawi o lifetime ban sa pagkakaroon ng lisensya laban sa drayber na inisyuhan ng show cause order dahil sa dalawang insidente ng road rage sa Cebu City.

“Dalawang beses nang nasangkot sa road rage, may pananakit at tangkang pananaksak pa. Malinaw na hindi na ito simpleng init ng ulo kundi seryosong banta sa kaligtasan ng kapwa motorista. Kapag ang isang driver ay paulit-ulit na nagiging panganib sa kalsada, hindi na dapat siya muling pagkatiwalaan ng lisensya,” saad sa pahayag ni LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao.

Ang unang insidente ay nangyari noong Agosto 5, 2026 sa Capitol Square, Barangay Capitol Site sa Cebu City kung saan hinarangan nito ang daanan ng isang rider.

Lumabas ang drayber ng pick up, nilapitan ang rider at sinuntok ng dalawang beses sa mukha saka pinagbantaan pa ang buhay ng rider at pamilya nito.

Habang iniimbestigahan ng LTO ang naturang insidente ay nasangkot na naman sa road rage ang naturang drayber ng pick up.

Sa pagkakataong ito ay nakita naman na tinangkang saksakin ng drayber ang kapwa motorista ng ilang beses.

Ipinatawag na ng ahensya ang registered owner at designated driver ng pick-up na humarap sa Operations Division ng LTO Region 7 para sa pagdinig.

“They are also required to submit a sworn statement or explanation, accompanied by supporting documents, explaining why they should not be held liable for violations of Republic Act No. 4136, including Reckless Driving and declaration as Improper Person to Operate a Motor Vehicle,” saad sa pahayag ng LTO.

Ipinag-utos na ni Lacanilao ang agarang pagsuko ng lisensya ng drayber na isinailalim sa 90-day preventive suspension.

Inilagay din sa alarma ang sasakyan.

“Susubukan natin kung kasing tapang niya sa kalsada ang pagharap niya sa LTO at pananagutan sa kanyang ginawa,” sinabi ni Lacanilao.

Samantala, nag-isyu naman ng babala ang LTO sa lahat ng mga motorista sa mga karahasan sa road rage.

“Huwag hayaang mauwi sa karahasan ang anumang hindi pagkakaunawaan at laging isaisip na bawat kilos sa kalsada ay may kaakibat na pananagutan. Sa kalsada, ang tunay na tapang ay hindi nasusukat sa pakikipagkomprontasyon, kundi sa kakayahang manatiling kalmado at piliing gawin ang tama para sa kaligtasan ng lahat.” RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here