MANILA, Philippines – Isasailalim sa yellow alert ang Visayas power grid mula alas-4 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi ngayong Martes, Setyembre 22, dahil sa kakulangan ng available na power supply.
Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), posibleng magkaroon ng power interruptions dahil hindi available ang ilang power plants at may iba namang gumagana sa mababang kapasidad.
May 2,504 megawatts (MW) na available capacity ang Visayas grid laban sa peak demand na 2,419 MW.
Kabilang sa mga dahilan ng yellow alert ang hindi pagkakaroon ng malaking coal plants na TVI 1, PEDC 3 at KSPC, derated capacity ng CEDC 3 na nasa 36 MW, at limitadong power import mula sa Mindanao grid.
Ayon sa NGCP, 13 power plants ang nasa forced outage ngayong Setyembre, habang 16 plants naman ang tumatakbo sa derated capacity.
Dahil dito, umabot sa 928.4 MW ang kabuuang kapasidad na hindi available sa Visayas grid.
Ipinaliwanag ng NGCP na ang yellow alert ay idinedeklara kapag hindi sapat ang operating margin upang matugunan ang contingency requirement ng transmission grid. RNT/MDS