MANILA, Philippines — Muling itinulak ni Surigao del Norte 1st District Rep. Francisco “Lalo” Matugas ang pagpasa ng National Land Use Act (NLUA) habang patuloy itong tinatalakay sa Senado.
Si Matugas, chairman ng House Special Committee on Land Use at principal author ng House Bill No. 8466, ay nagsabing maaari pang mapahusay ang panukala sa pamamagitan ng deliberasyon at mga mungkahi ng mga senador.
“Lubos nating pinahahalagahan ang seryosong pagtalakay ng Senado sa matagal nang panukalang ito. May sariling karanasan at pananaw ang ating mga senador, at bukas tayo sa kanilang mga mungkahi upang makabuo ng mas matibay at mas epektibong batas,” ani Matugas.
Inaprubahan ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang HB 8466 noong Mayo 5, 2026 at ipinadala sa Senado kinabukasan, ayon sa legislative records ng Kamara.
Layunin ng panukala na magtatag ng pambansang polisiya sa paggamit ng lupa, mga mekanismo para sa pagpapatupad nito, at isang National Land Use Commission.
Saklaw ng proposed framework ang paggamit at pagpaplano ng lupa para sa agrikultura, pabahay at mga pamayanan, imprastraktura, economic development, environmental protection at disaster resilience.
Sa Senado, ilang bersyon ng NLUA ang kasalukuyang isinasaalang-alang ng Committee on Environment, Natural Resources and Climate Change, kabilang ang HB 8466 na ipinasa ng Kamara. Kabilang din sa agenda ng komite ang mga panukala nina Sens. Juan Miguel Zubiri, Erwin Tulfo, Francis Pangilinan, Panfilo Lacson, Risa Hontiveros, Pia Cayetano, Jinggoy Estrada, JV Ejercito at Joel Villanueva.
Sinabi ni Matugas na ipinagpapatuloy ng kasalukuyang panukala ang mga pagsisikap noong nakaraang Kongreso, kung saan kabilang ang dating Surigao del Norte Rep. Francisco Jose “Bingo” Matugas II sa mga may-akda ng House version ng NLUA.
“Nagawa na ng Kamara ang bahagi nito, at inaasahan nating makikipagtulungan nang maayos sa ating mga kasamahan sa Senado. Kung may mga probisyong maaari pang mapahusay, handa tayong makinig at makipagtulungan,” ani Matugas. Gail Mendoza