Home NATIONWIDE Bagyong Queenie, ‘di direktang tatama sa Pinas; ITCZ magpapaulan sa VisMin

Bagyong Queenie, ‘di direktang tatama sa Pinas; ITCZ magpapaulan sa VisMin

3
0

MANILA, Philippines — Hindi inaasahang direktang makaaapekto sa bansa ang Tropical Storm Queenie habang patuloy itong kumikilos sa Philippine Sea, ngunit magdadala naman ng mga pag-ulan ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) sa Mindanao at ilang bahagi ng Visayas ngayong Biyernes, Setyembre 25.

Ayon sa 5 a.m. bulletin ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng Queenie sa layong 1,065 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon, taglay ang maximum sustained winds na 75 kilometers per hour at pagbugsong hanggang 90 kph. Kumikilos ito pahilagang-kanluran sa bilis na 20 kph.

Wala ring nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal sa alinmang bahagi ng bansa.

Inaasahang unti-unting lalakas ang bagyo habang nasa Philippine Area of Responsibility (PAR) at posibleng umabot sa typhoon category pagsapit ng Linggo, Setyembre 27.

Batay sa kasalukuyang forecast track, maaaring lumabas ng PAR si Queenie sa pagitan ng Linggo ng hapon at madaling araw ng Lunes, Setyembre 28.

Samantala, makakaranas ng scattered rains at thunderstorms ang Mindanao, Negros Oriental at Siquijor dahil sa ITCZ.

Sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa, inaasahan ang mainit at maalinsangang panahon na may posibilidad ng localized thunderstorms o rain showers, partikular sa hapon o gabi. Para sa Metro Manila, tinatayang aabot sa 33°C ang pinakamataas na temperatura ngayong Biyernes.

Nagbabala ang PAGASA sa posibilidad ng flash floods at landslides sa mga lugar na makakaranas ng malalakas na thunderstorm. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here