Home HOME BANNER STORY Bigtime rollback sa diesel, kerosene, nagbabadya

Bigtime rollback sa diesel, kerosene, nagbabadya

1
0

MANILA, Philippines — Posibleng magkaroon ng malaking rollback sa presyo ng diesel at kerosene sa huling linggo ng Setyembre matapos bumaba ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, ayon sa Department of Energy (DOE).

Sinabi ni DOE-Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad nitong Biyernes na batay sa galaw ng international oil prices, maaaring bumaba nang halos P8 kada litro ang diesel at nasa P6 kada litro ang kerosene.

Sa gasolina, tinatayang maaaring magkaroon din ng rollback na nasa P0.90 kada litro, bagaman sinabi ni Abad na kailangan pang hintayin ang Friday trading bago maging mas malinaw ang final estimate.

“Kahit nitong 2 days na nakaraan ay umaakyat ulit, pero dahil malaki yung ibinaba noong first 2 days, mataas ang tsansa pa rin na rollback tayo sa diesel at kerosene,” ani Abad.

Iniugnay ng DOE ang pagbaba sa international oil prices sa panibagong diplomatic engagement sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, na nagbigay ng pag-asa sa merkado na maaaring lumuwag ang tensyon at mga panganib sa oil supply sa Middle East.

Gayunman, nananatiling pabagu-bago ang global oil market habang nagpapatuloy ang tensyon sa rehiyon. Sinabi ng DOE na maaari pang magbago ang inaasahang rollback depende sa magiging resulta ng huling araw ng trading.

Kung matutuloy, mababawi nito ang malaking bahagi ng oil price hike na ipinatupad nitong Setyembre 22, kung kailan tumaas ng P8.82 kada litro ang diesel, P6.47 ang kerosene at P4.88 ang gasolina.

Ang opisyal na price adjustments para sa susunod na linggo ay iaanunsyo ng mga kumpanya ng langis bago ang kanilang pagpapatupad. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here