MANILA, Philippines – Hinimok ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na dagdagan ang pamumuhunan sa imprastraktura sa lahat ng lugar na rural o kanayunan upang hindi mapilitan ang mga Pilipino na lumipat sa mga siyudad para lamang makakuha ng pangunahing serbisyo.
Sa briefing para sa 2027 budget ng DPWH nitong September 25, iniugnay ni Cayetano ang pagbaha at pagsisikip ng mga urban area sa hindi pantay na pag-unlad ng mga lugar sa bansa, na aniya’y nagtutulak sa mas maraming Pilipino na manirahan sa mga siyudad.
“I’d like to encourage us and to keep saying na kung ano y’ung itanim natin, ‘yan ang aanihin natin. So we can’t keep complaining of massive urbanization and not building in the rural areas. We’re all guilty of it,” wika niya.
Inihambing ni Cayetano ang kalagayan ng mga rural na komunidad sa Pilipinas sa ibang bansa kung saan hindi kailangang manirahan sa malalaking siyudad para makakuha ng mga pangunahing serbisyo.
“The thing is in Europe, for example, ‘pag sinabing rural, there’s electricity, water, internet, school, and hospital. In the Philippines, when it’s rural, it’s dirt-poor,” wika niya.
Hiniling ng senador sa DPWH na suriin kung gaano kalaki ang bahagi ng infrastructure spending na napupunta sa mga rural area kumpara sa mga urban center bilang bahagi ng mas malawak na pagsusuri kung patas bang naipapamahagi ang mga proyekto at benepisyo ng pag-unlad sa buong bansa.
Iminungkahi ni Cayetano na mas tutukan ang mga probinsyang matagal nang kabilang sa pinakamahihirap sa bansa. Aniya, isa itong uri ng “affirmative action” at hindi favoritism.
“There are about five to 10 provinces that have been perennially, for the last 20 years, in the 20 poorest. Mataas doon ang stunting, mataas doon ang lahat, heart disease, etc. Mataas din doon ang insurgency. So baka hindi lang DOH (Department of Health), DOTr (Department of Transportation), DepEd (Department of Education) ang sagot sa lugar na y’un. Baka DPWH din,” wika niya.
Sumang-ayon naman si Public Works and Highways Secretary Vince Dizon na dapat mas patas ang alokasyon ng pondo, at binanggit ang mas malaking alokasyon para sa mga rehiyong gaya ng Bicol at Eastern Visayas.
Ayon kay Dizon, nakadadagdag din sa hamon sa flood control ang mabilis na pagdami ng populasyon sa mga urban area dahil mas maraming tao ang nagsisiksikan sa mga lugar na limitado ang espasyo.
Binigyang diin ni Cayetano na kailangang isaalang-alang sa pangmatagalang pagpaplano ng imprastraktura ang pagdadala ng mga kalsada at pangunahing serbisyo sa mga rural na komunidad, sa halip na hintaying lumipat ang mga tao sa mga siyudad na siksikan na.
“If we don’t build it, it won’t come. So if we don’t put the roads, we don’t put the internet, we don’t put the hospitals, the schools in those rural areas, lilipat lang talaga [ang mga tao] sa urban areas,” aniya. Ernie Reyes