BUTUAN CITY — Tatlong itinuturing na high-value drug suspects ang naaresto matapos makumpiskahan ng mahigit P15.3 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa Barangay Bancasi, Butuan City nitong Sabado, Setyembre 26.
Ayon sa Police Regional Office 13 (PRO-13), umabot sa 2,252 gramo o mahigit 2.2 kilo ang nasamsam na hinihinalang shabu sa operasyon sa Purok 1.
Kinilala ng pulisya ang mga naaresto sa mga alyas na “Berto,” 48, at “Dan,” 32, kapwa mula Agusan del Norte, at “Wena,” 27, residente ng Butuan City.
Narekober din mula sa mga suspek ang P70,000 marked money na ginamit sa buy-bust.
Pinagsanib na operasyon ito ng Regional Drug Enforcement Unit-13, Regional Intelligence Division, Butuan City Police Station 3 at Philippine Drug Enforcement Agency-13.
Ayon kay PRO-13 Director Brig. Gen. Rolindo Suguilon, paiigtingin pa ng pulisya ang intelligence at law enforcement operations laban sa ilegal na droga sa Caraga Region. Mary Anne Sapico