MANILA, Philippines — Iginiit ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na hindi sapat ang P42 arawang dagdag-sahod para sa mga minimum wage worker sa Central Visayas upang matugunan ang epekto ng inflation at kahirapan sa mga manggagawa.
Nakatakdang magkabisa sa Oktubre 14 ang P42 wage increase na inaprubahan para sa mga manggagawa sa Cebu, Bohol, Negros Oriental at Siquijor.
Sa ilalim ng bagong rate, tataas mula P540 patungong P582 kada araw ang minimum wage sa Class A areas o Expanded Metro Cebu, habang mula P500 ay magiging P542 naman sa Class B areas o iba pang lungsod at munisipalidad sa rehiyon.
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), nasa mahigit 300,000 minimum wage earners ang inaasahang makikinabang sa adjustment, na katumbas ng tinatayang P1,092 dagdag na kita kada buwan para sa isang full-time worker.
Bago aprubahan ang bagong wage order, ilang labor group sa Central Visayas ang humiling ng mas malaking dagdag-sahod dahil umano sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain, langis, kuryente at iba pang pangunahing pangangailangan. May mga grupong naghain ng petisyon para sa P100 across-the-board daily wage increase.
Ayon sa National Wages and Productivity Commission, isinailalim ang wage adjustment sa consultations at public hearings sa labor, management at iba pang stakeholders bago ito inaprubahan. Dave Medina