MANILA, Philippines — Binatikos ng Chinese Embassy sa Maynila ang Estados Unidos matapos kondenahin ng US Embassy ang pagharang umano ng mga barko ng China sa rotation and resupply mission ng Pilipinas patungong Ayungin Shoal noong Setyembre 24.
Nauna nang sinabi ni US Ambassador to the Philippines Lee Lipton na gumamit ang China Coast Guard at People’s Liberation Army Navy ng “dangerous blocking” at iba pang maniobrang nagbanta umano ng banggaan sa isang Philippine vessel.
Ayon sa Armed Forces of the Philippines, tatlong PLAN warships at limang China Coast Guard vessels ang nakialam sa mission, dahilan upang pansamantalang ihinto ang operasyon para sa kaligtasan ng mga tauhan at barko.
Pumalag naman ang Chinese Embassy at iginiit na ang Pilipinas ang nagsagawa umano ng “provocative and unlawful actions” sa Ayungin Shoal, na tinatawag ng Beijing na Ren’ai Reef.
Sinabi rin ng China na nilabag umano ng Pilipinas ang mga naunang napagkasunduan at ang Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea.
“China urges the US side to stop fanning the flames and refrain from actions that undermine regional peace and stability,” pahayag ng Chinese Embassy.
Iginiit naman ng US na nakatayo ito kasama ng Pilipinas at nanawagan sa China na itigil ang mga maniobrang maaaring magpalala ng tensyon sa lugar.
Noong 2016, nagpasya ang arbitral tribunal sa The Hague na walang legal na batayan ang malawak na historic-rights claim ng China sa loob ng nine-dash line sa South China Sea. Patuloy namang hindi kinikilala ng Beijing ang ruling. Dave Medina