BANGKOK, Thailand — Pinag-iingat ng Philippine Embassy sa Thailand ang mga Pilipino sa bansa kasunod ng babala sa malalakas na pag-ulan, flash flood at landslide sa Bangkok at 70 lalawigan.
Ayon sa embahada, naglabas ng weather warnings ang Thai Meteorological Department (TMD) at Office of the National Water Resources (ONWR) dahil sa inaasahang malakas na pag-ulan hanggang Linggo, Setyembre 27.
Pinayuhan ang Filipino community na manatiling alerto at patuloy na bantayan ang mga abiso ng mga lokal na awtoridad sa Thailand.
Nauna nang nagdeklara ng disaster ang Bangkok matapos ang halos 48 oras na malakas na pag-ulan na nagdulot ng matinding pagbaha sa ilang komunidad, kalsada, bahay at establisimyento.
Idineklara ng Bangkok Metropolitan Administration (BMA) ang state of disaster sa lahat ng 50 distrito ng kabisera.
Para sa mga Pilipinong nangangailangan ng tulong, maaaring makipag-ugnayan sa Philippine Embassy Assistance-to-Nationals hotline sa (+66) 81 989 7116, na maaari ring tawagan sa WhatsApp at Viber.
Maaari ring kontakin ang LINE account na bangkokpe.consular o mag-email sa [email protected].
Bukod dito, maaaring tawagan ang Migrant Workers Office-Bangkok ATN hotline sa (+66) 83 137 6167, na available din sa LINE, WhatsApp at Viber. Dave Medina