MANILA, Philippines — Nagdeploy ang ilang lokal na pamahalaan sa National Capital Region (NCR) ng mga sasakyang magbibigay ng libreng sakay sa mga commuter na apektado ng transport strike ngayong Lunes, Setyembre 28.
Sa Maynila, nakapuwesto na dakong alas-6 ng umaga ang mga sasakyan para sa libreng sakay sa Incident Command Post sa Kartilya ng Katipunan sa Ermita, ayon sa ulat ng GMA News.
Nagsimula naman alas-5 ng umaga ang libreng sakay ng Malabon City government.
Sinabi ng lokal na pamahalaan na magpapadala pa ng mga sasakyan sa mga lugar na nangangailangan ng karagdagang transportasyon sa ilalim ng dispatching system ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
May ilang transport group naman sa Malabon na nagpatuloy ng operasyon sa kabila ng tigil-pasada, kabilang umano ang Majesto, Toda at Poda federations.
Sinimulan ng Samahang Manibela, Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (MANIBELA) ang tatlong araw na transport strike mula Setyembre 28 hanggang 30 kasabay ng pagpapatupad ng aprubadong fare hike. Isinasagawa ang protesta sa gitna ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. Dave Medina