Home NATIONWIDE Chinese Embassy, binanatan si Gibo: ‘Anti-China’

Chinese Embassy, binanatan si Gibo: ‘Anti-China’

1
0
(c) Cesar Morales

MANILA, Philippines — Binatikos ng Chinese Embassy sa Pilipinas si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at tinawag itong “extremely anti-China” kasunod ng kanyang mga pahayag hinggil sa West Philippine Sea (WPS), mga ilegal na aktibidad ng ilang dayuhan at operasyon ng mga substandard steel plant sa bansa.

Sa pahayag nitong Linggo, inakusahan ng embahada si Teodoro ng paninira umano sa China para sa “political capital” at pansariling interes. Iginiit din nitong ang mga sinabi ng kalihim ay umano’y “disregards the facts, distorts right and wrong” at nakasisira sa relasyon ng Pilipinas at China.

Nauna rito, sinabi ni Teodoro sa Saturday News Forum na inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang intelligence at law enforcement agencies na magsagawa ng “evidence-based operations” laban sa tinawag niyang “nefarious” foreign activities sa Pilipinas.

Kabilang sa mga binanggit ng kalihim ang kaso ni dating Bamban, Tarlac mayor Alice Guo at ang mga steel plant na iniuugnay sa paggawa ng substandard na bakal at sa umano’y ilegal na pagpasok at pananatili ng ilang Chinese nationals sa bansa.

Nagbabala rin si Teodoro laban sa tinatawag niyang pagtatangka ng Beijing na magsulong ng isang “Sinocentric” na pandaigdigang kaayusan, bagay na dati na rin niyang tinalakay sa isang maritime forum sa Makati.

Ayon naman sa Chinese Embassy, ang mga pahayag ni Teodoro ay naglalayong lumikha umano ng hidwaan sa pagitan ng mga mamamayan ng Pilipinas at China at magpalala ng tensyon sa dalawang bansa.

Matagal nang mainit ang palitan ng pahayag ng Department of National Defense at Chinese Embassy kaugnay ng West Philippine Sea at sa mga operasyon ng mga awtoridad laban sa ilang steel plant na may mga Chinese national na manggagawa.

Noong Hunyo, pinagbawalan din ng China si Teodoro at kanyang pamilya na makapasok sa mainland China, Hong Kong at Macau dahil sa mga pahayag ng kalihim na ayon sa Beijing ay nakasasama sa interes at relasyon ng dalawang bansa. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here