Home NATIONWIDE Legarda: Pilipinas ‘di dapat manatiling biktima ng climate change

Legarda: Pilipinas ‘di dapat manatiling biktima ng climate change

1
0

MANILA, Philippines – Hinimok ni Senador Loren Legarda ang Pilipinas na huwag manatiling biktima lamang ng climate change at sa halip ay maging halimbawa sa mundo sa pagpapatupad ng mga solusyong nakabatay sa kalikasan at agham.

Ayon kay Legarda, pinatutunayan ng 2026 report ng United Nations Environment Programme (UNEP) ang matagal na niyang babala na hindi sapat ang kasalukuyang pandaigdigang hakbang upang makamit ang mga target sa climate change.

Binigyang-diin sa ulat na maaaring malampasan ng mundo ang 1.5°C global warming threshold sa mga susunod na taon dahil nananatiling kulang ang mga hakbang upang mabawasan ang greenhouse gas emissions.

Sa pinakamainam na scenario, maaaring umabot sa 1.8°C ang pinakamataas na pagtaas ng global temperature bago muling bumaba sa ilalim ng 1.5°C pagsapit ng 2100 sa pamamagitan ng malawakang emissions reduction at carbon removal.

Samantala, sa mas masamang scenario, maaaring lumampas sa 2°C ang pagtaas ng temperatura, na magpapataas sa panganib ng malulubhang pagbabago sa ecosystem at hindi na maibabalik na pinsala sa kapaligiran.

“I hate to be proven right, but as I said, inaction will lead to us failing to meet the 1.5°C target,” ani Legarda.

Ipinaliwanag niya na hindi lamang mga numero ang epekto ng climate change dahil direktang nararamdaman ang mga ito sa kapaligiran at buhay ng mga tao.

“These mean stronger storms, more intense hot weather, and other calamities caused by climate change,” dagdag niya.

Ayon sa senador, partikular na maaapektuhan ang Pilipinas dahil muli itong nanguna sa 2025 World Risk Index dahil sa mataas na exposure nito sa magkakasabay na sakuna.

Sa Southeast Asia, kabilang sa mga epekto ang matitinding pag-ulan na nagdudulot ng malawakang pagbaha at transboundary haze mula sa mga forest fire sa rehiyon.

Binigyang-diin din ni Legarda ang hindi pantay na epekto ng climate change, kung saan aniya, pinakamabigat ang epekto sa mga bansang bulnerable kahit hindi sila ang pangunahing dahilan ng krisis.

Iniugnay rin niya ito sa July 2025 Advisory Opinion ng International Court of Justice (ICJ), na nagsasaad ng mga legal na obligasyon ng mga estado sa ilalim ng international law na protektahan ang climate system at maiwasan ang malaking pinsala sa kapaligiran.

Ayon kay Legarda, kailangan ang sama-samang pagkilos ng mga bansa upang maisulong ang climate accountability at makamit ang climate justice.

“Every country, especially the big nations that have a big contribution to GHG emissions, before or now, should join together and fulfill their obligations so we can achieve true climate justice,” ani Legarda. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here