MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa nitong Lunes, Setyembre 28 ang 12 panukalang batas na sumasaklaw sa pag-amyenda sa batas ng kooperatiba, pagtatayo at pag-upgrade ng apat na ospital, at pitong panukala sa power at broadcasting franchises.
Pinangunahan ang mga naipasa ang Senate Bill No. 1431 o ang Proposed Revised Cooperative Code of the Philippines na layong gawing moderno ang mga patakaran para sa mga kooperatiba.
Pinapanatili ng panukala ang prinsipyo ng “one member, one vote” pero pinalawak nito ang mga uri at gawain ng kooperatiba, at pinalakas ang mga alituntunin sa pamamahala, rehistrasyon at operasyon.
Maaari nang mag-organisa at magparehistro ng primary cooperatives ang mga Overseas Filipino Workers.
Maaari ring bumuo ng kooperatiba ang mga indigenous cultural communities alinsunod sa kanilang tradisyon, at ang mga Islamic community alinsunod sa Sharia principles.
Kinikilala na rin ang mga bagong uri ng serbisyo tulad ng technology, digital payment, logistics, at communications, bukod sa tradisyonal na credit, health, housing, agriculture, at public utilities.
Videoconferencing ay gagawing opisyal na paraan para sa general assembly meetings.
Kailangan aksyunan ng Cooperative Development Authority ang kumpletong aplikasyon sa loob ng 15 working days. Ang certificate of compliance ay magiging valid ng 5 taon maliban kung bawiin matapos ang due process.
Ang kasalukuyang Cooperative Code o RA 9520 ay mula pa 2009.
Naipasa na rin ng Kamara ang counterpart nito, House Bill No. 9584, noong Aug. 5 at ipinadala sa Senado noong Aug. 11.
Samantala, inaprubahan din ang apat na panukala para sa mga ospital sa labas ng Metro Manila:
HB 7979 – Pagtatatag ng Subic General Hospital, isang Level III hospital sa Subic, Zambales
HB 8471 – Pagtatatag ng Zamboanga Sibugay Medical Center sa Ipil
HB 8472 – Pag-upgrade ng Bukidnon Provincial Hospital sa Maramag tungo sa Bukidnon General Hospital
HB 8621 – Pag-convert ng Kalinga Provincial Hospital sa Tabuk tungo sa Northern Cordillera Regional Medical Center
Pasado din sa Senado ngayong Lunes sa ikatlong pagbasa ang pitong franchise measures, kabilang ang HB 7647 na nag-aamyenda sa prangkisa ng More Electric and Power Corp. para sa distribution ng kuryente sa Iloilo City.
Ang anim pang panukala ay para sa broadcasting: Exodus Broadcasting Company Inc., Katigbak Enterprises (San Pablo City) Inc., Times Broadcasting Network Corp., Cagayan de Oro Media Corp., Central Mindanao University, at Benguet Broadcasting Corp.
Ang mga prangkisa ng Central Mindanao University at Benguet Broadcasting ay pinalawig ng karagdagang 25 taon para sa kanilang radio at television operations.
Nakabinbin na ngayon ang mga panukalang ito para sa bicameral conference committee bago tuluyang maging ganap na batas. Ernie Reyes