MANILA, Philippines — Nagtala ng “very unhealthy” air quality ang ilang bahagi ng Metro Manila nitong Miyerkoles ng umaga dahil sa mataas na antas ng PM2.5 pollution, ayon sa Environmental Management Bureau-National Capital Region (EMB-NCR).
Batay sa alas-9 ng umagang monitoring, pinakamataas ang Air Quality Index (AQI) sa Las Piñas sa 184, sinundan ng Parañaque-Don Bosco na 177, Parañaque-PEATC na 169, Muntinlupa-Bilibid na 167, Muntinlupa-Filinvest na 161, Caloocan na 155 at Taguig na 153.
Samantala, nasa antas na “unhealthy for sensitive groups” ang air quality sa Valenzuela na may AQI 137; Marikina-CEMO at Pasay, kapwa 134; Navotas, 120; Pateros, 118; San Juan, 116; Manila, 115; Quezon City-Ateneo, 110; Makati at Mandaluyong, kapwa 107; at Marikina-Parang, 102.
Ang PM2.5 ay tumutukoy sa maliliit na particulate matter na kayang makapasok nang malalim sa respiratory system.
Ayon sa EMB-NCR, posibleng nakaaambag sa mahinang kalidad ng hangin ang thermal inversion, isang kondisyon kung saan naiipit ang malamig na hangin sa ilalim ng mas mainit na hangin kaya hindi madaling nakakalat paitaas ang mga pollutant.
Maaari ring maapektuhan ang air quality readings ng direksiyon ng hangin, lokasyon ng monitoring stations at pinagmumulan ng polusyon gaya ng emissions mula sa mga sasakyan, pabrika at iba pang aktibidad.
May real-time air quality monitoring stations ang EMB-NCR sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila. Santi Celario