MANILA, Philippines – Naglabas ang Department of Agriculture (DA) ng mga bagong alituntunin para sa performance-based incentives na magbibigay ng karagdagang fish import allocations sa mga kwalipikadong importer at fisheries associations o cooperatives para sa Kadiwa outlets.
Sa ilalim ng Department Circular No. 53, layunin ng supplemental guidelines na matiyak ang napapanahong pagdating at maayos na distribusyon ng imported frozen small pelagic fish at iba pang fishery at aquatic products sa mga Kadiwa store sa buong bansa.
Mas maaga ngayong taon, pinayagan ng DA ang pag-aangkat ng 250,000 metric tons (MT) ng isda upang matiyak ang sapat na suplay habang umiiral ang temporary fishing ban. Sa kabuuang volume, 10,000 MT ang inilaan para lamang sa mga Kadiwa outlet.
Nakasaad sa circular na dapat eksklusibong ipamahagi ng mga awtorisadong Kadiwa center o store ang imported fish para sa Kadiwa program. Hindi maaaring ilipat ng mga importer ang mga ito sa ibang distribution channel nang walang naunang nakasulat na pahintulot mula sa DA.
Ang karagdagang import allocation ay ibabatay sa aktuwal na paggamit ng kanilang allocation hanggang Oktubre 31, 2026.
Para sa fisheries associations o cooperatives, ang mga nakagamit ng hindi bababa sa 90 porsyento ng kanilang allocation ay maaaring makatanggap ng karagdagang 112 MT.
Ang may utilization rate na hindi bababa sa 60 porsyento ngunit mas mababa sa 90 porsyento ay makatatanggap ng karagdagang 84 MT, habang ang nakagamit ng hindi bababa sa 30 porsyento ngunit mas mababa sa 60 porsyento ay maaaring bigyan ng 56 MT.
Para naman sa mga kwalipikadong importer, ang nakagamit ng hindi bababa sa 50 porsyento ngunit mas mababa sa 80 porsyento ng kanilang allocation ay maaaring makatanggap ng karagdagang 280 MT.
Ang may utilization rate na hindi bababa sa 20 porsyento ngunit mas mababa sa 50 porsyento ay maaaring makatanggap ng karagdagang 140 MT.
Ang mga kwalipikadong importer na makakamit ng hindi bababa sa 90 porsyento na utilization ng kanilang allocation, kabilang ang performance-based incentives, ay makatatanggap din ng proportional share sa anumang natitirang hindi nagamit na import volume matapos maibigay ang naaangkop na bonus.
Ayon sa DA, ang incentive allocation ay ibabatay sa beripikadong aktuwal na dami ng mga dumating na imported fish.
“The incentive allocation shall be undertaken based on the verified volume of actual importation arrivals and shall be completed on or before Nov. 30, 2026, subject to the availability of remaining MIV (maximum importable volume),” pahayag ng DA. RNT/JGC