Home NATIONWIDE Delivery rider tinutukan ng baril; suspek arestado

Delivery rider tinutukan ng baril; suspek arestado

4
0

MANILA, Philippines – Isang delivery rider ang muntik nang mawalan ng motorsiklo makaraan umanong tutukan at tangkang tangayin ang kanyang sasakyan sa Brgy Anabu 1-B, Imus City, Cavite.

Kinilala ang naarestong suspek na si alyas “Joseph”, 31-anyos, motorcycle mechanic at residente ng Brgy. Sta. Rosa 1, Noveleta, Cavite.

Ayon sa report, tangkang pagnanakaw ang motibo ng suspek makaraang makipagbuno ang biktima sa suspek, bago tuluyang maaresto ng mga rumespondeng pulis.

Ayon sa Imus Component City Police Station, dakong 2:40 ng madaling-araw nang nagsasagawa ng patrol operation ang mga tauhan ng Sector 3 sa Brgy. Anabu 1-B nang mapansin ang suspek na nakatayo sa gilid ng highway, malapit sa isang Honda Click motorcycle na walang plaka.

Nang makita umano nito ang mga pulis, bigla itong tumakbo at iniwan ang motorsiklo.

Makalipas ang ilang sandali, nakatagpo umano ng suspek ang 22-anyos na delivery rider na si alyas “Joshua”, na noon ay sakay ng kanyang Honda Click na may plakang 0632 JW.

Ayon sa ulat, itinutok umano ng suspek ang baril kay Joshua at sapilitang kinuha ang kanyang motorsiklo.

Ngunit bago pa man tuluyang mapaandar at maitakas ang motorsiklo, nakipagbuno umano ang rider sa suspek hanggang sa mapabagsak at mapigilan ito.

Dito na mabilis na rumesponde ang mga pulis sa sinunsundang suspek hanggang tuluyang maaresto ito.

Nakuha mula sa pag-iingat ng suspek ang dalawang baril, isang Smith & Wesson caliber .38 revolver na walang nakikitang serial number at may lamang anim na bala, at isang Colt caliber .45 pistol na wala ring nakikitang serial number, kasama ang magazine na naglalaman ng siyam na bala.

May nakuha rin umanong HARDSPECS body bag mula sa suspek.

Nasa kabuuang 15 bala ang nakumpiska ng mga pulisya sa dalawang baril.

Ipaghaharap ng Imus CCPS ang kasong Attempted Carnapping at paglabag sa Republic Act No. 10591, o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, na nasa kustodiya ngayon ng pulisya. MARGIE BAUTISTA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here