BATANGAS, Philippines – Naging mapayapa ang pag-pull out ng 16 heavy equipment na tinatayang nagkakahalaga ng P80 milyon, na pag-aari ng Rafael Dalmacio Bernardo Tecson (RDBT) Construction Corporation, mula sa pansamantalang garahe nito sa bakanteng lupain ng pamilya Caisip sa Barangay Bagong Silang.
Sa panayam kay Architect Rafael Tecson, sinabi niyang nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan ang Sandari at RDBT Construction Corporation kaugnay ng isinasagawang paggawa ng kalsada sa Sandari development.
Ayon kay Tecson, maayos umano ang kanilang kasunduan noong una ngunit kalaunan ay may ilang usapin na hindi nasunod, kabilang ang pagtambak muna ng lupa at paglalagay ng soil protection bago simulan ang construction ng kalsada.
Aniya, obligasyon umano ng Sandari ang soil protection at pagtatambak ng lupa.
“Hindi puedeng gumawa ng kalsada ng walang soil protection at panambak,” ani Tecson.
Dahil sa hindi pagkakasundo, sinabi ni Tecson na tinanggal umano bilang contractor ng Sandari ang RDBT Construction Corporation. Dahil dito, isinagawa ang pag-full out ng kanilang mga heavy equipment, na naging dahilan umano ng pagkaantala sa paggawa ng naturang kalsada. Ellen Apostol