BATANGAS CITY, Philippines – Naharang ng Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang 12 kilo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P81.6 milyon sa Batangas Port, Barangay Sta. Clara, ngayong Oktubre 7, 2026.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, apat na lalaki ang naaresto sa joint operation. Ang mga suspek ay edad 18, 29, 30 at 41 at mga residente ng Malate, Maynila, at Maluso, Basilan.
Narekober din ang isang sasakyan, cellphone, identification cards at ATM cards. Natapos ang inventory ng mga ebidensya dakong alas-9 ng umaga.
Dakong alas-10 ng umaga, itinurn-over sa PDEA ang apat na suspek at mga nakuhang ebidensya para sa tamang disposisyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.
Nahaharap ang mga suspek sa umano’y paglabag sa Section 5 o Transportation of Dangerous Drugs at Section 11 o Possession of Dangerous Drugs, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Tiniyak ng PCG na magpapatuloy ang pakikipag-ugnayan nito sa PDEA upang paigtingin ang kampanya laban sa transportasyon ng ilegal na droga sa mga pantalan at rutang pandagat ng bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden