MANILA, Philippines – Nakitaan ng mga paglabag ang Atienza Interisland Ferries Inc. matapos ang masusing pagsisiyasat sa kanilang passenger vessel MV June Aster na nasunog noong Setyembre 9, 2026 sa Coron, Palawan.
Ngayong araw, Oktubre 8, isinagawa ang unang Lupong Pamagawa Hearing sa tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Intramuros, Maynila kung saan dumalo ang mga kinatawan ng ilang concerned agencies at dalawang crew member na nakaligtas sa insidente.
Base sa pagsisiyasat ng DOLE regional office (MIMAROPA), kabilang sa mga paglabag ng kumpanya ang hindi pagbabayad sa kanilang crew na overtime, hazard pay , night differential, special at holidays, kulang na pasahod at hindi pagbibigay ng probisyon sa service incentive leave benefits.
Sa panig naman ng kumpanya, bagamat hindi tahasang inamin, sinabi ng kanilang HR officer Lindo Macalinao na kanila pang ibeberipika ang bilang ng kanilang crew na hindi nakakatanggap ng nasabing benepisyo.
Bukod dito, nilabag din ng kumpanya ang Occupational Safety and Health Standards (OSHS) tulad ng kung paano mapaghandaan ang pag-apula sa sunog sa barko.
Wala ring trained Safety Officer at walang sapat na Personal Protective Equipment (PPE).
Maaalala na umabot sa 77 indibidwal ang namatay sa sunog kabilang ang isang crew.
Sa bilang na ito, 40 ang hindi pa nakikilala, may 43 survivors habang nananatiling missing ang walong iba pa.
Pinagmumulta ang kumpanya ng nasa P1,000 hanggang P5,000 kada araw at P100,000 dahil sa mga nasawi at nasugatan nitong mga manggagawa resulta ng mga nasabing paglabag. Ito ay sa ilalim ng OSHS. Jocelyn Tabangcura-Domenden