MANILA, Philippines – Mahigpit na binabantayan ng Department of Health (DOH) ang mga ulat tungkol sa hinihinalang kaso ng plague sa Russia matapos ang pagkamatay ng isang laboratory worker sa Siberia, ayon sa ulat ng Malakanyang nitong Miyerkules, Oktubre 7.
Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na isinasaalang-alang ng mga awtoridad sa kalusugan ang mga rekomendasyon mula sa World Health Organization (WHO) sa gitna ng pangamba sa insidente.
Hindi siya nagbigay ng partikular na direktiba mula sa Pangulo ngunit tiniyak sa publiko na handa ang mga awtoridad sa kalusugan na magsagawa ng karagdagang hakbang kung kinakailangan.
Nauna nang sinabi ng DOH na nagsasagawa ang Bureau of Quarantine ng screening sa mga biyahero at surveillance sa mga daga at pulgas sa mga dumarating na kargamento at barko bilang precautionary measures.
Sinabi ng kagawaran na mag-aanunsyo ito ng karagdagang hakbang kung kinakailangan.
Nag-ugat ang naturang isyu ng sakit sa Irkutsk Anti-Plague Research Institute sa Siberia noong Oktubre 2. Jocelyn Tabangcura-Domenden