Home SPORTS POC inakusahang ng pamumulitika, pakikialam sa trabaho ng NSAs

POC inakusahang ng pamumulitika, pakikialam sa trabaho ng NSAs

1
0

MANILA, Philippines – Inakusahan ni Samahang Weightlifting ng Pilipinas (SWP) president Monico Puentevella ang Philippine Olympic Committee (POC) ng pamumulitika at pakikialam sa mga gawain ng national sports associations (NSAs) sa pagdinig ng Senado noong Huwebes sa performance ng national contingent sa 20th Asian Games.

Sinisi ni Puentevella ang POC sa kontrobersiya sa volleyball noong Asiad, na sumiklab matapos ihayag ni Alas Pilipinas Men team captain Bryan Bagunas ang mga problema sa pananalapi ng koponan bago at noong Nagoya Games.

“Ang pulitika sa volleyball, Philippine Olympic Committee diyan ang nakialam,” ani Puentevella.

Sa ipinatawag na pagdinig ni Senate Committee on Sports chairman Sen Bong Go, idineklara ni Puentevella na may kinalaman din sa kontrobersiya si dating Philippine National Volleyball Federation (PNVF) president Ramon Suzara.

Kasabay nito, kinuwestiyon niya ang pagkakasangkot ni Suzara sa pagho-host ng bansa sa hinaharap na major sports events kahit na siya ay nasa ilalim ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) para sa Phisgoc mess sa 2019 Southeast Asian Games.

“Ang mga taong involved, Tats Suzara, ‘yan din ang mga namumuno na iniimbestigahan ng Senado ngayon sa Phisgoc,” dagdag pa nito.

“Ang hinihiling ko, wag sana pakialaman,” ani Puentevella.

Sinabi ni Puentevella na ang POC ay nakikialam din sa kanyang sariling isport, na binanggit ang 2024 Paris Olympics kung saan sinisi niya ang Olympic body sa kanilang zero-medal performance.

“Galing kami sa Paris Olympics, pinakialaman din ang mga bata ko. Dalawang potential medalists, hindi nagtagumpay. Zero, dahil pinakialaman. Sana respeto lang. Sa Philippine Olympic Committee, sana ‘wag niyo kaming pakialamanan kasi alam namin ang ginagawa namin.”

Tinuligsa rin ng dating Bacolod congressman at Philippine Sports Commission (PSC) commissioner ang POC dahil sa pagkakait nito sa kanya ng accreditation sa Asiad kahit inanyayahan siya ng Olympic Council of Asia na dumalo sa multisport showpiece.

Hinimok ni Puentevella si Go na tumulong na tapusin ang pulitika sa sports, at nangako na ang weightlifting ay magbubunga ng mas maraming medalya sa mga darating na international events sa tulong ng PSC.

“Tama ka, ang pulitika sa Philippine sports, hintuin niyo na. Magtulungan na tayo, mag-isa na tayo,” wika ni Puentebella sa panawagan ni Go.

“Ako, gusto nila siguro ako palitan eh. Pero magkakaroon pa ako ng medalya sa LA Olympics. Every Olympics, may qualifier ang weightlifting. Minanaliit nila. Pero sa PSC, salamat ako. They are not perfect, but they are doing a good job. Pero because of their help, their assistance and support, we will win another medal in the Los Angeles Olympics.”

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here