Home NATIONWIDE PBBM, kinalampag na sagipin hog industry sa P22.5B posibleng pagkalugi

PBBM, kinalampag na sagipin hog industry sa P22.5B posibleng pagkalugi

3
0

MANILA, Philippines – Nanawagan ang mga grupo ng mga magbababoy kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na agarang kumilos upang matulungan ang lokal na industriya ng baboy na nalulugi dahil sa mababang farmgate prices at pagdami ng imported pork.

Sa liham na may petsang Oktubre 8, 2026, hiniling ng Pork Producers Federation of the Philippines Inc. (PPFPI), Philippine Pork Council Alliance Inc. at mga kaalyadong grupo ang mga hakbang upang maprotektahan ang mga lokal na magbababoy at matiyak ang kaligtasan ng mga mamimili.

Ayon sa mga grupo, bumagsak sa P130 hanggang P140 kada kilo ang farmgate price ng baboy, kumpara sa production cost na P180 hanggang P190. Dahil dito, nalulugi ang mga magbababoy ng hindi bababa sa P50 kada kilo o P5,000 sa bawat 100-kilogramong buhay na baboy.

Tinatayang P250 milyon kada araw ang pagkalugi ng sektor, na maaaring umabot sa P22.5 bilyon sa loob ng 90 araw kung walang agarang aksiyon ang pamahalaan.

Batay sa datos ng Bureau of Animal Industry (BAI) na binanggit sa liham, umabot sa rekord na 851 milyong kilo ang pork imports noong 2025. Inaasahang tataas ito sa 939 milyong kilo pagsapit ng katapusan ng 2026 kung magpapatuloy ang kasalukuyang takbo.

Kabilang sa mga panukala ng mga grupo ang pagbabalik sa 30 porsiyento ng taripa sa in-quota pork imports at 40 porsiyento sa out-quota imports, mula sa kasalukuyang 15 at 25 porsiyento. Iminungkahi rin ang pansamantalang limitasyon sa dami ng inaangkat na baboy sa loob ng hanggang 200 araw simula Oktubre 2026.

Hiniling din nila ang paglalathala ng aktuwal na transaction values ng imported pork, pag-aayon ng taripa sa pork jowls sa taripa ng karne ng baboy, at paglilimita sa import clearances para sa mechanically deboned meat (MDM) sa mga akreditadong meat processor.

Samantala, sumulat si AGAP Party-list Rep. Nicanor M. Briones kina Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. at Bureau of Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno noong Oktubre 2 upang humiling ng mas mahigpit na inspeksiyon sa imported pork at pagsugpo sa posibleng maling deklarasyon at undervaluation.

Hiniling ni Briones na ilagay sa red lane para sa masusing inspeksiyon ang mga imported pork product na may mas mababang taripa. Iminungkahi rin niya ang paghahain ng mga kaso sa ilalim ng Republic Act No. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, kung may sapat na batayan.

Nagpahayag din ng pangamba ang mga grupo sa mga ulat na may imported frozen pork na umano’y ibinebenta sa mga palengke at online platform nang walang wastong cold-chain refrigeration. May mga alegasyon din ng pagbebenta ng expired o hindi ligtas na karne at paggamit umano ng tawas upang matakpan ang mabahong amoy at pagbabago ng kulay. Hindi pa napatutunayan sa ulat ang mga alegasyong ito.

Binigyang-diin ng mga grupo na kailangang sabayan ng proteksiyon sa lokal na merkado ang P1.6-bilyong Swine Repopulation Program ng Department of Agriculture (DA), na naglalayong bumili ng humigit-kumulang 32,000 gilt o batang babaeng baboy upang palakasin ang lokal na produksyon matapos ang epekto ng African swine fever (ASF).

Ayon sa kanila, maaaring mawalan ng saysay ang mga programang nagpapasigla sa lokal na industriya kung patuloy na dadami ang imported meat sa merkado. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here