Home NATIONWIDE Project review ipinag-utos ng DBM bilang paghahanda sa 2028 budget cycle

Project review ipinag-utos ng DBM bilang paghahanda sa 2028 budget cycle

1
0

MANILA, Philippines – Inatasan ng Department of Budget and Management (DBM) ang mga Regional Development Council (RDC) na simulan ang pagsusuri at pagpili ng mga prayoridad na proyekto bilang paghahanda sa 2028 national budget.

Kailangang isumite ng mga RDC ang kanilang mga inendorso na panukala sa mga pambansang ahensya bago matapos ang Disyembre.

Naglabas ang DBM at Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) ng magkasanib na guidelines na nag-aatas sa mga RDC na tukuyin at bigyang-prayoridad ang mga programa, aktibidad at proyekto simula Oktubre.

Sa ilalim ng bagong proseso, kailangang makakuha ng pag-endorso mula sa RDC ang lahat ng programa at proyektong isusulong.

Layunin nitong palakasin ang koordinasyon ng mga pambansa at panrehiyong tanggapan at matiyak na naaayon ang mga panukala sa aktuwal na pangangailangan ng mga rehiyon.

Ayon sa itinakdang iskedyul, kailangang maipabatid ng mga central office ng mga ahensya ang kanilang mga prayoridad sa mga regional office bago Oktubre 13.

Dapat namang matapos ang konsultasyon sa mga stakeholder sa rehiyon bago Oktubre 30.

Inaasahang makukumpleto ang paghahanda ng mga panrehiyong panukala sa badyet sa Nobyembre 13, habang kailangang matapos ng mga RDC ang pagsusuri at pagpili sa mga prayoridad na proyekto bago Disyembre 11.

Itinakda naman sa Disyembre 18 ang deadline para maipadala ng mga RDC ang kanilang mga inendorso na panukala sa central office ng mga kaukulang ahensya.

Sa pagbuo at pagpili ng mga proyekto, kailangang isaalang-alang ang kahandaan sa implementasyon, mga pondong inilaan sa mga nakaraang taon, aktuwal na paggamit ng badyet, mga prayoridad ng rehiyon at mga kakulangan sa paghahatid ng serbisyo.

Dapat ding nakaayon sa mga kaugnay na sectoral, regional o area-specific master plan ang mga panukalang proyektong pang-imprastraktura, kabilang ang flood control at mga proyekto sa paliparan at pantalan.

Pagkatapos ng pagsusuri ng mga RDC, pagsasama-samahin at muling susuriin ng mga central office ng mga ahensya ang mga panukala, batay sa rekomendasyon ng mga konseho, pambansang prayoridad at kahandaan ng mga proyekto.

Gayunman, hindi pa kasama sa mga paunang panukala ang pinal na budget ceiling o tiyak na halaga ng pondong ilalaan sa bawat proyekto.

Kailangang matapos ng bawat ahensya ang proseso ng pagsasama-sama at pagpili ng mga prayoridad bago ang deadline ng pagsusumite ng panukalang badyet.

Itatakda naman ang pinal na deadline sa pamamagitan ng 2028 National Budget Call, na inaasahang iaanunsyo sa susunod na taon matapos maaprubahan ang 2027 national budget. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here