QUEZON CITY — Arestado ang 76 dayuhan sa isang hinihinalang ilegal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub na umano’y ginagamit sa online scamming activities sa Barangay Socorro, Cubao, Quezon City, noong Oktubre 12.
Ayon sa Bureau of Immigration (BI), kabilang sa mga dinakip ang 74 Chinese nationals at dalawang Myanmar nationals na umano’y sangkot sa mga ilegal na aktibidad nang salakayin ng mga operatiba ang pasilidad.
Pinangunahan ng BI Intelligence Division, sa pamamagitan ng Special Response Team at Region 4 Regional Intelligence Operations Unit, ang operasyon katuwang ang National Capital Region Command ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Isinagawa ang pagsalakay alinsunod sa inilabas na mission order bilang bahagi ng patuloy na kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na operasyon ng POGO at online scams.
Kasalukuyang sumasailalim sa inquest proceedings ang mga nadakip na dayuhan at haharap din sa deportation proceedings alinsunod sa umiiral na batas sa imigrasyon ng bansa.
Kapag naglabas na ng deportation orders, isasama ang kanilang mga pangalan sa blacklist ng BI upang hindi na sila muling makapasok sa Pilipinas.
Ayon sa BI, ito na ang ikalawang pagsalakay sa hinihinalang ilegal na POGO sa loob lamang ng dalawang linggo bilang bahagi ng pinaigting na pagpapatupad ng batas laban sa mga naturang operasyon. JAY Reyes