MANILA, Philippines – POSIBLENG tumaas ng P300 hanggang P1,000 ang presyo ng ilang bundle ng bulaklak sa Dangwa Flower Market sa Maynila habang papalapit ang paggunita sa Undas sa Nobyembre 1 at 2.
Ayon sa mga tindero, inaasahang tataas ang demand sa mga bulaklak sa mga susunod na araw kasabay ng pagtaas ng gastos sa transportasyon, kuryente at pag-iimbak ng kanilang mga paninda.
Batay sa pagmonitor ng Manila Bulletin nitong Martes, Oktubre 13, kasalukuyang nagkakahalaga ng P250 hanggang P500 bawat tangkay ang lilies, habang P450 hanggang P600 naman ang gladioli.
Ang carnations ay nagkakahalaga ng P250 hanggang P300 bawat bundle na may 10 piraso, habang P300 hanggang P500 ang chrysanthemums o mums na may 12 piraso bawat bundle.
Samantala, umaabot sa P5,000 hanggang P25,000 ang presyo ng flower wreath o corona, depende sa disenyo at uri ng mga bulaklak na ginagamit.
Sinabi ng ilang tindero na nakadepende rin ang kanilang presyo sa singil ng mga supplier, partikular sa mga bulaklak na dinadala mula sa Benguet, La Trinidad at iba pang lugar.
Bukod sa gastos sa transportasyon, dagdag-pasanin din umano ang kuryente at iba pang gastusin upang mapanatiling sariwa ang mga bulaklak.
Dahil dito, may ilang mamimili nang maagang bumibili upang maiwasan ang inaasahang pagtaas ng presyo at pagdagsa ng mga tao bago ang Undas.
May mga tindero ring nag-aalok ng mas mababang presyo para sa maramihang pagbili.
Samantala, limitado pa ang supply ng gladioli sa ilang tindahan, ngunit inaasahang may darating pang karagdagang stocks bago ang Undas.
Inihanda na rin ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang Dangwa Flower Park sa Dos Castillas Street, Sampaloc, kung saan naglagay ng mga dekorasyong may temang Halloween.
Mas maayos na rin ang mga puwesto ng mga tindero at may nakalaang daanan para sa mga mamimili.
Patuloy namang naghahanda ang mga nagtitinda sa inaasahang pagdami ng bibili ng bulaklak para sa paggunita sa mga yumao. RNT