Home NATIONWIDE Construction worker, huli sa ‘di lisensyadong baril

Construction worker, huli sa ‘di lisensyadong baril

1
0

MANILA, Philippines – REHAS na bakal ang kinasadlakan ng 39-anyos na construction worker nang makumpiskahan ng hindi lisensyadong baril sa ipinatupad na search warrant ng pulisya sa Caloocan City.

Nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth na nag-iingat umano ng hindi lisensyadong baril ang suspek kaya nag-apply sila ng search warrant sa korte.

Nang mag-isyu ng search warrant ang Regional Trial Court (RTC), Branch 124, Caloocan City, kaagad sinalakay ng mga tauhan ng Amparo Police Sub-Station (SS15) ang bahay ng suspek sa Barangay 182, Pangarap Village.

Dakong alas-9:00 ng gabi nang halughugin ng mga pulis ang bahay ng suspek sa bisa ng nasabing search warrant kung saan nasamsam nila ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng mga bala.

Nang hanapan siya ng kaukulang mga dokumento hinggil sa ligaledad ng nasabing baril ay walang naipakita ang suspek na dahilan upang posasan siya ng mga pulis.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 28 ng R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Sinabi ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, hindi dapat nasa kamay ng mga walang kaukulang dokumento ang mga baril. Patuloy aniya ang NPD sa pagpapatupad ng batas para sa kaligtasan ng bawat mamamayan. Merly Duero

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here