Home METRO 6 onion firms pinagmulta ng P1.76-B sa cartel scheme

6 onion firms pinagmulta ng P1.76-B sa cartel scheme

5
0

MANILA, Philippines — Pinagmulta ng Philippine Competition Commission (PCC) ng kabuuang P1.76 bilyon ang anim na kumpanya at kanilang mga responsableng opisyal matapos silang mapatunayang lumahok sa illegal market allocation scheme sa importasyon, cold storage at wholesale distribution ng sibuyas.

Ito ang pinakamalaking multang ipinataw ng PCC sa mga lumabag sa Philippine Competition Act.

Kabilang sa pinanagot ang freight forwarder na Golden Shine International Freight Forwarders Corp., cold storage operator na Tian Long Corp., at onion importers na La Reina Fresh Vegetables & Young Indoor Plants Inc., Yom Trading Corp., Vegefru Producing Store at Rosal Fruit and Vegetable Trading. Pinanagot din ang ilang opisyal at may-ari ng mga kumpanya.

Ayon sa PCC, lumabas sa ebidensiyang nakuha sa court-ordered raid noong Setyembre 2023 na ginamit umano ang magkakahiwalay na corporate identities upang makaipon ng sanitary and phytosanitary import clearances.

Dahil dito, sinabi ng PCC na nakontrol ng grupo ang halos 50% ng lahat ng aprubadong import clearances para sa red at yellow o white onions noong 2020 at 2021. Ang mga imported na sibuyas ay dinadala umano sa cold storage facilities na pinamamahalaan ng Tian Long bago ipamahagi sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Nagsimula ang imbestigasyon matapos pumalo sa hindi pangkaraniwang P800 kada kilo ang retail price ng sibuyas noong huling bahagi ng 2022.

Limang grupo ng respondents ang inutusang magbayad ng tig-P330 milyon, habang P118.33 milyon naman ang ipinataw sa Tian Long at kaugnay nitong opisyal. Ayon sa PCC, tinaasan nang tatlong beses ang basic fines dahil itinuturing na prime commodity ang sibuyas sa ilalim ng batas.

Sinabi rin ng PCC na maaaring magkaroon ng hiwalay na criminal liability ang mga indibidwal na sangkot sa cartel activities sa ilalim ng Philippine Competition Act, na mangangailangan ng prosecution ng Department of Justice-Office for Competition. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here