Home NATIONWIDE Pahayag ng Chinese envoy sa pahiwatig ng banta ng puwersa, binatikos ng...

Pahayag ng Chinese envoy sa pahiwatig ng banta ng puwersa, binatikos ng DFA

1
0

MANILA, Philippines — Binatikos ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Biyernes si Chinese Ambassador Jing Quan dahil sa pahayag na tila may “thinly veiled threat” o hindi direktang banta ng paggamit ng puwersa. Inakusahan naman ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang Beijing ng pananakot sa Pilipinas sa gitna ng tensyon sa West Philippine Sea.

Ayon sa DFA, nakalulungkot ang naging pagpili ni Jing ng mga salita at hinimok nito ang mga dayuhang diplomat na maging maingat sa kanilang mga pampublikong pahayag upang hindi masira ang tiwala at pagsisikap na mapanatili ang diyalogo ng Pilipinas at China.

“The business of diplomacy requires tact and restraint in order to create space necessary for discourse, dialogue and engagement, regardless of the disparity in positions or perspectives,” ayon sa DFA.

Idinagdag ng ahensya na ang pahayag ni Jing ay tila nagpapahiwatig ng banta ng paggamit ng puwersa, na hindi nakatutulong sa masalimuot na ugnayan ng dalawang bansa.

Nagpahayag si Jing matapos tanungin tungkol sa pagsuspinde ng Pilipinas sa direktang komunikasyong militar sa pagitan ng dalawang bansa. Sinabi niyang masuwerte ang Pilipinas dahil kapitbahay nito ang China at nagbabala na mas mataas ang panganib ng komprontasyon kung hindi maibabalik ang mga linya ng komunikasyon.

CHINESE EMBASSY, TUMUTOL SA REAKSYON NG DFA

Bilang tugon, pinuna ng Chinese Embassy sa Manila ang pahayag ng DFA at sinabing piling bahagi lamang ng sinabi ni Jing ang binigyang-diin at labis itong binigyang-kahulugan.

Ayon sa embahada, kailangan ang tapat at tuwirang diplomasya upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan at maling paghusga. Inakusahan din nito ang ilang hindi pinangalanang indibidwal na nagtatangkang pahinain ang normal na ugnayan at kooperasyon ng dalawang bansa.

Hinimok ng embahada ang DFA na kumilos nang mas responsable upang hindi mauwi sa mapanganib at hindi tiyak na kalagayan ang relasyon ng Pilipinas at China.

Sa panayam nitong Biyernes, sinabi ni Teodoro na hindi dapat ituring na simpleng pahayag tungkol sa polisiya ang sinabi ni Jing dahil may ipinahihiwatig umano itong banta sa Pilipinas.

“Ang mensahe ay may balak sila talaga na sinasalungat natin na nagbabanta sila na huwag natin salungatin,” ani Teodoro.

Kinuwestiyon din niya ang pagsasabing masuwerte ang Pilipinas sa kabila ng suspensyon ng pag-uusap ng mga militar.

“Sinabi daw ng embahador kahapon, masuwerte daw tayo, masuwerte pa tayo sa lagay na ito. Baliktad yata ang mundo ng taong ito kung tinatawag niyang swerte ito,” dagdag niya.

Iginiit ni Teodoro na walang karapatan ang China na kumilos sa teritoryo ng Pilipinas.

“E nandito sila sa teritoryo natin. Wala silang karapatan,” aniya.

Ayon kay Teodoro, pinag-aaralan ng pamahalaan ang pahayag ni Jing, na para sa kanya ay pagtatangkang takutin ang Pilipinas sa pamamagitan ng pahiwatig na mananaig ang China sakaling gumamit ito ng puwersa.

“In the same statement sinasabi niya, ‘We want peace.’ Pagkatapos, ‘We can use force and you will lose.’ Ito ang tunay na laman ng statement na ‘yan. Tinatakot tayo,” ani Teodoro.

Binigyang-diin niyang kapayapaan ang hangad ng Pilipinas, ngunit hindi nito tatalikuran ang pagtatanggol sa sariling teritoryo at karapatan.

“Hindi naman giyera ang gusto natin pero ang gagalangin tayo,” aniya.

Ipinagtanggol din ni Teodoro ang pagsuspinde sa direktang komunikasyong militar, na ayon sa kanya ay itinigil na nang humigit-kumulang tatlong taon dahil wala itong naidulot na pakinabang sa Pilipinas. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here