Home NATIONWIDE Mga natatanging tauhan, yunit ng PCG pinuri ni PBBM sa ika-125 anibersaryo

Mga natatanging tauhan, yunit ng PCG pinuri ni PBBM sa ika-125 anibersaryo

3
0

MANILA, Philippines — Kinilala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga natatanging tauhan, maritime units at kawani ng Philippine Coast Guard (PCG) sa pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo nito sa South Harbor, Port Area, Manila, nitong Biyernes, Oktubre 16.

Pinuri ng Pangulo ang kanilang propesyonalismo at dedikasyon sa pagpapanatili ng kaligtasan at seguridad sa karagatan at paglilingkod sa publiko.

“Ngayong araw, pinararangalan din natin ang mga distrito, istasyon, enlisted personnel, at mga kawani na nagpapakita ng natatanging pagganap at nagbigay karangalan sa PCG,” pahayag ni Marcos.

Hinimok niya ang mga pinarangalan na maging huwaran sa mga nakababatang miyembro ng PCG at panatilihin ang mataas na pamantayan ng propesyonalismo at paglilingkod sa bayan.

“Nawa’y magsilbing inspirasyon sa iba, lalo na sa mga nakababatang miyembro ng serbisyo, ang inyong halimbawa upang ipagmalaki nila ang kanilang trabaho at maunawaan na ang bawat tungkulin, gaano man ito kasimple, ay may kaakibat na pananagutan sa sambayanang Pilipino,” dagdag niya.

Kabilang sa mga ginawaran ang Coast Guard District Southern Tagalog (CGDSTL), sa pamumuno ni Commodore Geronimo B. Tuvilla, bilang District of the Year. Kinilala rin ang Coast Guard Station Central Cebu bilang Station of the Year Class A, Coast Guard Station Lanao del Norte bilang Class B, Coast Guard Station Bataan bilang Class C, at Coast Guard Sub-Station Batangas City bilang Sub-Station of the Year.

Sa maritime operations, kinilala bilang Ships of the Year sa kani-kanilang klasipikasyon ang BRP Panglao (FPB-2402), MCS 3004, BRP Tubbataha (MRRV-4401), BRP Lapu-Lapu (MMOV-5001), at BRP Melchora Aquino (MRRV-9702). Ginawaran din ang small craft na MS-1102, PCG BN Islander 4177 sa Fixed Multi-Role Wing category, at CGH1451 sa Helicopter Wing category.

Kabilang sa mga indibidwal na pinarangalan sina Lighthouse Keeper of the Year LK1 Rimel F. Gapilango, Civilian Supervisor of the Year Maria Narra J. Anacan, Civilian Employee of the Year Michael D. Laron, at Enlisted Personnel of the Year PO2 Roy B. Barayuga.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin din ni Marcos ang mahalagang papel ng PCG sa mga operasyon sa panahon ng kalamidad at iba pang emergency. Sa pamamagitan ng search and rescue operations, nakapagligtas umano ang PCG ng halos 95,000 katao at nakatulong sa tinatayang 138,000 indibidwal na naapektuhan ng mga kalamidad at emergency.

Tumutulong din ang PCG sa paghahatid ng ayuda sa mga nasalanta ng bagyo at nakikilahok sa mga coastal cleanup. Hinimok ng Pangulo ang ahensya na patuloy na palakasin ang kakayahan at kahandaan nito sa pagharap sa mga hamon sa karagatan.

May temang “One Sea, One Mission, One Legacy: 125 Years of Guarding the Nation’s Maritime Future” ang pagdiriwang, bilang paggunita sa pagkakatatag ng PCG noong Oktubre 17, 1901.

Dumalo rin sa selebrasyon si Department of Transportation Acting Secretary Giovanni Z. Lopez at iba pang opisyal ng pamahalaan at stakeholder. Nagbigay-pugay ang Pangulo sa sakripisyo ng mga tauhan ng PCG sa iba’t ibang bahagi ng bansa at sa suporta ng kanilang mga pamilya.

“Magpakatatag kayo. Nakikita at ramdam namin ang inyong paglilingkod, taos-puso kayong pinasasalamatan ng sambayanan sa inyong katapatan sa tungkulin,” mensahe ni Marcos. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here