COTABATO CITY – Suportado ng Bangsamoro Initiative for Peace, Progress and Solidarity (BIPPS) ang panawagan ni Chief Minister Abdulraof A. Macacua na pangalagaan ang awtonomiya ng Bangsamoro, igalang ang mandatong ipinagkaloob ng mga botante sa mga halal na miyembro ng Parlamento, at hayaang malayang gampanan ng mga demokratikong institusyon ang kanilang tungkulin alinsunod sa Bangsamoro Organic Law.
Sa isang pahayag, tinanggap ng BIPPS ang pagkakabuo ng isang mayoryang koalisyon na binubuo ng 46 na miyembro ng Bangsamoro Parliament, na kinabibilangan ng iba’t ibang partidong pampulitika at grupo, kabilang ang BFP, BGC, UBJP, NMIP, SIAP, Raayat at Pro-Bangsamoro. Ipinakikita ng komposisyon ng koalisyon ang pakikilahok ng iba’t ibang puwersang pampulitika at sektor ng komunidad sa pagtatatag ng isang inklusibong pamahalaan sa Bangsamoro.
Ayon sa organisasyon ay ipinakikita ng pagkakabuo ng koalisyon ang kakayahan ng magkakaibang puwersang pampulitika na isantabi ang kanilang mga pagkakaiba at magkaisa para sa inklusibong pamamahala, katatagan at pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon.
Binigyang-diin din ng BIPPS ang panawagan ni Macacua na dapat buuin ng mga Bangsamoro ang kanilang pamahalaan nang nagsasarili, malaya sa hindi nararapat na panghihimasok, at sa pamamagitan ng mga prosesong naaayon sa batas at mga patakaran ng Parlamento.
Iginiit ng organisasyon na ang tunay na awtonomiya ay dapat igalang hindi lamang sa prinsipyo kundi maging sa aktuwal na pagpapatupad nito. Binigyang-diin nitong mahalagang bahagi ng sariling pamamahala at mga tagumpay ng ilang dekadang proseso ng kapayapaan ang karapatan ng mga Bangsamoro na pumili ng kanilang mga pinuno sa pamamagitan ng mga kinatawang inihalal ng taumbayan.
Nagpahayag din ang BIPPS ng pasasalamat kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagpapatibay ng paggalang ng pambansang pamahalaan sa awtonomiya ng Bangsamoro at sa kapangyarihan ng Parlamento na magpasya sa pamumuno nito alinsunod sa Bangsamoro Organic Law.
Ayon sa BIPPS, pinatitibay ng pahayag ng Pangulo ang kahalagahan ng paggalang sa isa’t isa, matatag na mga demokratikong institusyon, at patuloy na suporta ng pambansang pamahalaan para sa kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.
Inilarawan ng organisasyon ang sarili bilang isang non-profit at sibikong grupo na kumakatawan sa mga interes at mithiin ng mga ordinaryong Bangsamoro, kabilang ang mga ulama, magsasaka, katutubo, organisasyon ng civil society at iba pang sektor ng komunidad.
Ayon sa grupo, nangangailangan ang pangmatagalang kapayapaan ng makabuluhang pakikilahok sa demokratikong proseso, paggalang sa mandatong ipinagkaloob ng mamamayan, at pangangalaga sa kanilang karapatan sa sariling pagpapasya. Anila, dapat maging gabay ang mga prinsipyong ito sa pampulitikang transisyon ng rehiyon.
Nanawagan ang BIPPS sa mga pinunong pampulitika, institusyon, organisasyon ng civil society at iba pang sektor na igalang ang proseso ng Parlamento at umiwas sa mga hakbang na maaaring magpahina sa awtonomiya ng Bangsamoro.
Hinimok din ng organisasyon ang lahat ng kinauukulan na makibahagi nang konstruktibo upang matiyak ang mapayapa at maayos na transisyon tungo sa unang regular na Pamahalaang Bangsamoro. Binigyang-diin nitong hindi dapat maging hadlang ang mga pagkakaiba sa pulitika sa pagsisikap ng rehiyon na makamit ang katatagan at kaunlaran.
Ayon sa BIPPS, sumasalamin ang makasaysayang pakikibaka ng mga Bangsamoro para sa sariling pamamahala sa ilang salinlahi ng paghahangad ng dignidad, katarungan at karapatang hubugin ang kanilang sariling kinabukasan. Inilarawan nito ang awtonomiya bilang isang pinaghirapang tagumpay ng proseso ng kapayapaan at isang pangakong nakapaloob sa batas na dapat igalang at pangalagaan ng lahat.
Muling pinagtibay ng BIPPS ang pangako nitong itaguyod ang isang mapayapa, demokratiko, inklusibo at nagkakaisang Bangsamoro. Binigyang-diin ng organisasyon na dapat pamahalaan ng mga Bangsamoro ang kanilang sarili sa pamamagitan ng kanilang mga demokratikong institusyon, alinsunod sa batas at sa diwa ng kapayapaan, progreso at pagkakaisa. RNT