Home TOP STORIES Tax credits sa mga negosyong nagbibigay ng senior, PWD discounts, isinusulong

Tax credits sa mga negosyong nagbibigay ng senior, PWD discounts, isinusulong

4
0

ISINUSULONG ni Sen. Mark Villar ang panukalang magbibigay ng tax credits sa mga negosyong nagpapatupad ng mandatoryong diskuwento para sa senior citizens at persons with disabilities (PWDs) upang mabawasan ang kanilang pinansyal na pasanin.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2494 o Tax Credit for Senior Citizens and Persons with Disability Discount Act, nais ni Villar na gawing tax credits ang kasalukuyang tax deductions na ginagamit ng mga establisimyento para sa mga diskuwentong ipinagkakaloob sa dalawang sektor.

Layunin nitong amyendahan ang Republic Act No. 9994 o Expanded Senior Citizens Act of 2010 at Republic Act No. 7277 o Magna Carta for Persons with Disability, na parehong nagbibigay ng mga benepisyo at pribilehiyo sa mga nasabing sektor.

Sa kasalukuyang sistema, maaaring ibawas ng mga negosyo ang halaga ng kwalipikadong diskuwento sa kanilang taxable income, ngunit hindi ito nangangahulugang buong halaga ng diskuwento ang direktang nababawi nila sa buwis.

Sa panukala ni Villar, direktang ibabawas sa kanilang tax liability ang halaga ng kwalipikadong diskuwento, na inaasahang makatutulong lalo na sa micro, small and medium enterprises (MSMEs).

“Hindi dapat iasa lamang sa mga negosyo ang buong bigat ng pagpapatupad ng mga benepisyong ito,” ani Villar.

Ayon sa senador, mahalagang mapanatili ang mga diskuwento para sa senior citizens at PWDs habang tinitiyak na hindi labis na napapabigatan ang mga negosyong nagpapatupad nito.

Nakasaad din sa panukala na maaaring gamitin sa mga susunod na taon ng pagbubuwis ang hindi nagamit na tax credits mula sa senior citizen discounts, ngunit hindi ito maaaring i-refund o ilipat sa ibang tao o negosyo.

Mananatili naman ang kasalukuyang tax deduction mechanism para sa minimum na 5% diskuwento sa kwalipikadong buwanang konsumo ng senior citizens sa tubig at kuryente.

Binigyang-diin ni Villar na hindi layunin ng panukala na bawasan ang mga benepisyong natatanggap ng senior citizens at PWDs, kundi magkaroon ng mas patas na sistema para sa mga negosyong katuwang sa pagpapatupad ng mga ito.

Kailangan pang dumaan sa proseso ng pagtalakay at pag-apruba sa Kongreso ang panukala bago ito maging batas. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here