Home NATIONWIDE Higit 232,000 katao nailigtas, natulungan ng Coast Guard sa nagdaang taon –...

Higit 232,000 katao nailigtas, natulungan ng Coast Guard sa nagdaang taon – PBBM

3
0

MANILA, Philippines – Tinatayang aabot sa mahigit 232,000 katao ang nailigtas, agad na nailikas at natulungan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa mga operasyon nito sa nakalipas na taon.

Sa kanyang talumpati sa pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo ng PCG, kinilala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mabilis na pagtugon ng Coast Guard sa sakuna sa karagatan at masusing pag-iinspeksyon sa mga sasakyang pandagat para sa kaligtasan ng mga pasahero.

Iniulat ni Pangulong Marcos na nagsagawa ang ahensya ng mahigit isang milyong pre-departure inspection sa mga sasakyang pandagat sa mga pantalan sa buong bansa upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.

Sa pamamagitan naman ng search-and-rescue operations, nailigtas ng Coast Guard ang halos 95,000 na indibidwal habang nakatulong ito sa halos 138,000 na katao sa panahon ng mga kalamidad at emergency.

Kabilang sa mga operasyong binanggit ng Pangulo ang paghahanap at pagsagip sa mga pasahero matapos lumubog ang MV Trisha Kerstin 3 sa Basilan.

Kinilala rin ni Pangulong Marcos ang mga humanitarian assistance at disaster response operations ng PCG gaya ng paghahatid ng mga family food pack at water desalination unit mula Maynila patungong Catanduanes matapos ang pananalasa ng Bagyong Uwan.

Bukod sa pagpapanatili ng seguridad sa karagatan at pagtugon sa mga emergency, pinuri ng Pangulo ang mga hakbang ng PCG para sa pangangalaga ng kapaligiran kabilang ang mga coastal clean-up drive, pagtatanim ng mga puno at iba pang programang naglalayong protektahan ang yamang-dagat at biodiversity.

Sinabi ng Pangulo na ipinakikita ng mga tagumpay na ito ang lumalawak na responsibilidad ng Coast Guard sa pangangalaga sa karagatang sakop ng bansa at paglilingkod sa mga komunidad sa buong kapuluan.

“Sa loob ng 125 taon, nagbantay ang PCG sa ating mga karagatan, nagligtas ng mga buhay, at tumugon sa panawagan ng ating mga kababayan sa panahon ng kawalan ng katiyakan,” ang bahagi ng talumpati ng Pangulo.

Nagbigay-pugay rin ang Pangulo sa mga tauhan ng Coast Guard na nakatalaga sa mga pantalan, istasyon, barko, sasakyang panghimpapawid at mga komunidad sa buong bansa dahil sa kanilang dedikasyon at mga sakripisyo sa pagtupad sa tungkulin.

Pinuri naman ng Pangulo ang kontribusyon ng PCG Auxiliary, kabilang si First Lady Liza Araneta-Marcos, sa pamamagitan ng kanilang boluntaryong paglilingkod at patuloy na pagsuporta sa misyon ng ahensya.

Nagpahayag naman ng kumpiyansa ang Pangulo na sa tulong ng mahuhusay na tauhan, epektibong pamumuno, at patuloy na pagpapalakas sa institusyon, mananatiling handa ang PCG na gampanan ang mandato nito sa gitna ng nagbabagong mga hamon sa karagatan.

“Sa tulong ng mga may kakayahang tauhan, mahusay na pamumuno, at walang sawang dedikasyon sa sambayanang Pilipino, tiwala akong magagampanan natin ang misyong ito,” ang pagtatapos ng Pangulo. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here