MANILA, Philippines – SA kulungan ang bagsak ng dalawang hinihinalang drug user na taga-Bulacan nang mahuli sa aktong gumagamit umano ng shabu sa loob ng pinuntahan nilang bahay sa Valenzuela City, Huwebes ng hapon.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Possession of Dangerous Drugs, Possession of Drug Paraphernalia at Use of Dangerous Drugs sa ilalim ng R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sina alyas “Jhamir”, 39, at panaderong si alyas “Wilson”, 37, kapuwa residente ng Obando, Bulacan.
Sa ulat ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, nakatanggap ng tawag ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela Police hinggil sa umano’y nagaganap na pot session sa 25 Pili St., Brgy., Balangkas.
Pinuntahan kaagad ng mga tauhan ni P/Lt. Sherwin Dascil, Acting chief ng SDEU ang nasabing lugar kung saan naaktuhan nila ang mga suspek na sumisinghot umano ng shabu sa loob ng isang bahay dakong alas-5:45 ng hapon.
Inaresto sila ng mga operatiba at nasamsam sa kanila ang nasa 1.50 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P10,200.00 at mga paraphernalia sa paggamit ng ilegal na droga. Merly Duero